Breaking News: Isa sa mga suspek sa Vhong Navarro case gustong maging state witness

 

Kinumpirma ni Department of Justice Sec. Leila de Lima na isa sa mga akusado sa serious illegal detention case na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro laban sa kampo ni Cedric Lee ang nag-apply para maging  state witness sa kaso.

Bagama’t hindi pinangalanan ng kalihim, kinumpirma nito sa media na nakikipag-ugnayan na ang nasabing akusado sa Witness Protection Program (WPP).

“One of the accused has turned state witness and is now talking to our WPP and is now being handled by the WPP,”ani De Lima.

“So this accused will be narrating the entire incident beginning with the planning made by the group of Cedric Lee.” dagdag pa ng kalihim.

Ayon pa sa kalihim, ibinunyag ng hindi pinangalanang state witness na tinawag ng grupo ni Lee ang binalak na pananakit sa aktor bilang “Oplan Bugbog”.

Una ng sinabi ng mamamahayag na si Tony Calvento sa kanyang Facebook account ang posibilidad ng pagiging state witness ng isa sa mga akusado.

Maaaring isa sa mga akusadong sina Deniece Cornejo, Ferdinand Guerrero, Jed Fernandez at Jose Paolo Calma ang tinutukoy nina De Lima at Calvento na state witness sa naturang kaso.

Advertisements