EDITORIAL: Atty. Gigi Reyes magsalita ka na

Habang tahimik na nagninilay ang karamihan sa mga Pilipino dahil sa paggunita sa Mahal na Araw ay bumalik naman sa bansa nitong nakaraang Sabado de Gloria (April19) ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes.

Matatandaan na si Reyes ay umalis sa bansa pitong buwan na ang nakakaraan matapos madamay ang pangalan nito sa pork barrel scam. Tahimik na dumating si Reyes bandang alas 4 ng umaga nitong nakaraang Sabado sakay ng Philippine Airlines flight 105 mula sa Estados Unidos.

Sa ilang isyu na lumabas na rin sa midya, si Reyes ang itinuturong tagatanggap ng pera ni Enrile mula kay pork barrel queen Janet Lim Napoles. Ilang ulit ding nabanggit si Reyes sa testimonya ng isa pang testigo sa naturang anomalya na si Ruby Tuazon.  Bukod dito, isa din si Reyes sa mga kinasuhan ng ng Office of the Ombudsman kasama sina Napoles, Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla dahil sa pork barrel scam.

Dahil dito lumulutang ngayon ang ideyang gawing state witness si Reyes.

Ang tanong lang naman dito ay, papayag ba si Reyes na tumestigo laban kina Enrile, Estrada at Revilla at sa iba pang sangkot sa pork barrel scam?

Sa isang panayam, una ng sinabi ni Estrada na naniniwala siyang haharapin ni Reyes ang kaso laban dito subalit hindi ito magtuturo gaya ng inaasahan ng ilan dahil hindi umano ganitong klaseng tao si Reyes. Lumitaw na rin ang balitang hihingin ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa Senate Blue Ribbon Committee na ipatawag si Reyes para sa isang imbestigasyon. Ito ay kahit pa natapos na ng komite ang imbestigasyon nito sa pork barrel scam at nakagawa na rin si Sen. TG Guingona ng draft committee report.

Sa kabilang banda kahit si Sen. Grace Poe ay sinuportahan naman ang panawagan ni Santiago na dapat maimbitahan ng Senado si Reyes para magsalita.

Kung tutuusin, nakakapagtaka ang biglang pagdating sa bansa ni Reyes, pagdating na kahit si Enrile mismo ay tila hindi inaasahan na magaganap ito. Kung susuriin, parang may mahiwagang kamay na kumikilos para bumalik sa bansa si Reyes.

Una ng itinanggi ng Malacañang na may kinalaman sila sa pagbabalik sa bansa ng abogado. Ayon sa statement ni PCOO Sec. Herminio Coloma ngayong araw sa Malacañang, walang ginawang pakikipag-ugnayan ang Department of Justice kay Reyes para bumalik ito sa bansa.

Maraming alam si Atty. Gigi Reyes tungkol sa pagkakasangkot ng ilang senador lalo na ni Enrile pagdating sa pork barrel scam. Sa matagal na panahong naglingkod siya kay Enrile, imposibleng kahit maliit na impormasyon ay wala siyang alam tungkol dito.

Dapat isipin ni Reyes hindi lamang ang kanyang kapakanan, kundi pati na rin ang kinabukasan ng milyun-milyong mga Pilipino na pinagnakawan gamit ang pondo ng bayan. Hindi pa huli ang lahat para magsalita si Reyes. Malaki ang maitutulong nito para mabigyang linaw ang pork barrel scam. Dapat isipin ni Reyes na panahon na para malaman ng taumbayan ang katotohanan.

Kung ang patestigo ni Reyes ang susi para lumabas ang totoo sa likod ng pork barrel scam ay dapat na itong maganap sa lalo madaling panahon. Pero kung ang kapalit nito ay ang pagiging state witness ni Reyes, ito naman ang dapat pag-isipang mabuti ng DOJ.

Sa ngayon, ang mas mahalagang bagay na dapat atupagin ng Blue ee ay ipatawag ang dating chief of staff ni Enrile para lumabas na ang katotohanan. Sa dami ng perang nawala sa kaban ng bayan, panahon na para malantad sa ating lahat kung sino ang mga magnanakaw at anay na sumisira at kumakain sa buwis na ating pinaghihirapan.

Sana ay maisip ni Reyes na malayo na sana ang mararating ng P10 bilyong pondo ng mga mambabatas kung nagamit lamang sana sa tama at hindi napunta sa mga bogus na NGO ni Janet Napoles at ilan pang kasabwat nito. Ang testimonya ni Reyes ang isa sa mga pinakamatibay na testimonya at magbibigay ng liwanag kung totoo nga bang ang mga tulad nina alyas Seksi, Pogi at Tanda ay nakinabang sa kaban ng bayan.

Advertisements