Napoles nagsalita na sa mga nalalaman sa pork barrel scam; Enrile, Revilla at Estrada damay

Kinumpirma ni DOJ Sec. Leila De Lima na nagsalita na sa kanya ang itinuturong pork barrel queen na si  Janet Lim Napoles.

Sinabi ng kalihim na pinuntahan niya kagabi si Napoles kasama ang ilang miyembro ng National Bureau of Investigation sa Ospital ng Makati kung saan ito naka confine. Tumagal umano ng limang oras ang nasabing pag-uusap.

Ayon kay De Lima, matagal ng nagpasabi si Napoles na nais siyang makausap nito. “She was actually pleading that we talk even before Holy Week, gusto niyang makuha ang kanyang statement bago siya maoperahan,”  pahayag ng kalihim.

Sa naturang pag-uusap ay gumawa na rin umano ng kanyang salaysay si Napoles. Laman ng naturang salaysay ang mga nalalaman nito sa P10B pork barrel scam. Ayon kay De Lima, nabanggit din ni Napoles nais nitong maging state witness sa kaso.

Sa kabila nito, sinabi naman ng kalihim kay Napoles na ang unang kondisyon na dapat nitong gawin ay sabihin ang lahat ng nalalaman nito tungkol sa naturang anomalya. “Ang commitment namin is that we will evaluate and validate very seriously and exhaustedly para malaman kung pwede siyang maging state witness,” ani De Lima.

Kinumpirma din ng kalihim na binanggit ni Napoles ang mga nalalaman nito tungkol sa pagkakadawit nina Sen. Ramon Revilla, Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Jinggoy Estrada sa naturang kontrobersya. Sa kabila nito ay tumanggi na ang kalihim na magsabi ng mga detalye tungkol dito.

Ayon pa kay De Lima, ninais ng magsalita ni Napoles dahil sa takot nito para sa kaligtasan ng kanyang buhay. “Habang hindi siya nagsasalita, open target siya. Ngayon andyan na ang statement, there is no motivation to silence her.”

Nilinaw naman ng kalihim na sa huli ang Ombudsman pa rin ang magdedesisyon kung maaari bang maging state witness sa kaso si Napoles.  Ayon naman kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, maituturing na isang welcome development kung ano man ang mga ibinunyag ni Napoles sa kalihim. – DCR

Advertisements