Namatay sa lumubog na SoKor vessel tumaas pa

 

Nadagdagan pa ang bilang ng mga namatay dahil sa paglubog ng  South Korean vessel na MV Sewol noong April 16. Sa pinakahuling ulat mula sa Reuters, umakyat na sa 150 ang mga bangkay na nakukuha mula ng lumubog ang naturang barko.

Mula sa kabuuang 476 na pasahero ng nasabing barko, 174 pa lamang ang nasasagip habang 152 pa rin ang nawawala at patuloy na hinahanap. Ayon sa ulat ng The Korean Herald, sakay ng barko ang nasa 325 estudyante ng Danwon High School mula sa Ansan, lalawigan ng Gyeonggi.

Ang barko ay umalis mula sa Incheon at nakatakda sanang pumunta sa Jeju Island subalit lumubog habang naglalayag malapit sa isla ng Jindo.

Patuloy naman ang isinasagawang search and rescue operation ng mga awtoridad para mahanap ang iba pang nawawalang biktima.

Kasabay naman ng patuloy na paghahanap ay nagpaabot ng kanilang pakikidalamhati ang iba’t ibang lider sa buong mundo kabilang na sina US President Barack Obama, Japanese Prime Minister Shinzo Abe at Chinese President Xi Jinping. Una nito ay nanawagan na si Pope Francis sa buong mundo na ipanalangin ang mga biktima ng naturang trahedya. -DCR

Advertisements