Plebisito para maging ‘Highly Urbanized City’ ang Cabanatuan ipinag-utos na ng Supreme Court

 

Inaasahan ang paglahok ng lahat ng mga rehistradong botante ng Nueva Ecija para sa isang plebisito.

 Ito ay matapos iutos ng Korte Suprema sa Commission on Election (COMELEC) na magsagawa ng isang plebisito kaugnay sa pagnanais ng Cabanatuan City na maging isang Highly Urbanized City (HUC).

Sa botong 9-5-1 ay kinatigan ng korte ang petisyong inihain ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali. Si Associate Justice Presbitero Velasco Jr ang gumawa ng desisyon habang bumoto naman kontra sa desisyon ng mayorya ang mga Associate Justice na sina Jose Mendoza, Martin Villarama, Bievenido Reyes, Marvic Leonen at Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sa inilabas na desisyon ng Supreme Court mula sa summer en banc session nito sa Baguio City noong Martes April 22, ibinasura nito ang Resolution No. 12-0797 na may petsang September 11, 2012 at Minute Resolution No. 12-0925 na may petsang October 16, 2012 na inilabas ng COMELEC.

Kasabay nito, kinatigan ng hukuman ang petition for certiorari na inihain ni Umali na humihiling sa pagpapatigil ng implementasyon ng nasabing mga resolusyon mula sa Comelec. Nakasaad sa naturang resolusyon na tanging mga rehistradong botante lamang ng Cabanatuan City ang dapat makasali sa gagawing plebisito.

Sa kanyang petisyon sinabi ni Umali na dahil ang buong lalawigan ng Nueva Ecija ang apektado kapag napabilang na ang Cabanatuan City sa mga HUC sa bansa ay marapat lamang na ang buong lalawigan ang madesisyon tungkol sa nasabing usapin.

Una ng idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III ang Cabanatuan City bilang isang HUC na kailangan namang ratipikahan sa pamamagitan ng isang plebisito. Hindi natuloy ang plebisito para sa nasabing usapin dahil una na itong pinostpone ng COMELEC noong Disyembre 2012 para magbigay daan sa paghahanda nila sa 2013 National and Local Election. Hindi naman ulit natuloy ang plebisito matapos maglabas ng TRO ang SC noong January 14 dahil sa petisyong inihain ni Umali.

Sa pinakahuling desisyon ay inaatasan ang COMELEC na gawin ang plebisito para sa buong lalawigan sa loob ng 120 araw matapos mailabas ang pinal na desisyon ng hukuman. –DCR

Advertisements