Relasyon ng Hong Kong at Pilipinas maayos na – Almendras

Hong Kong photo 2

Si Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras (kanan) habang kinakamayan si Hong Kong Chief Executive CY Leung (kaliwa) Image retrieved from: http://www.news.gov.hk/en/categories/admin/html/2014/04/20140423_152000.shtml?pickList=topstories

 

Maayos na muli ang relasyon ng Pilipinas at Hong Kong. Ito ang sinabi ni Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras sa press briefing na ginawa sa Malacañang ngayong araw.

Nakabalik na sa bansa si Almendras matapos ang pakikipag-usap nila kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada sa gobyerno ng Hong Kong at pamilya ng mga biktima kaugnay ng naganap na Manila bus hostage incident noong 2010.

Sa kabila nito nilinaw ng kalihim na patuloy naman sila sa pagtugon sa iba pang kahilingan ng mga pamilya ng biktima. “We’ve settled with the Hong Kong government. But now we are addressing the individual concerns of the families,” pahayag nito.

Una ng binawi ng Hong Kong kahapon ang  “black travel alert” na inilabas nito para sa kanilang mga mamamayan na nais pumunta sa bansa. Ginarantyahan din ng Hong Kong ang muli nitong pagpapahintulot sa mga opisyal ng gobyerno at mga diplomatic passport holder sa bansa na makapunta doon ng walang visa sa loob ng 14 na araw.

Kasabay nito kinumpirma rin ni Almendras na nagbigay ng token of appreciation ang bansa para sa mga pamilya ng mga biktima. Bagama’t hindi binanggit ng opisyal kung magkano ang naturang halaga, may mga lumabas namang ulat na ito ay hindi bababa sa HK$20 milyon o katumbas ng $2.6 milyon. Sa kabila nito inamin ni Almendras na hindi lahat ng pamilya ng mga biktima ay tinanggap ang naturang token of appreciation mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Kaugnay naman ng pagkakaresolba sa hindi pagkakaunawaan ng Hong Kong at ng Pilipinas, ipinaabot umano ni Hong Kong Chief Executive CY Leung ang pasasalamat nito kay Pangulong Benigno Aquino III. “HK Chief Executive Leung said, “Please tell President Aquino, I thank him very much, I acknowledge he is a man of his word,” pahayag pa ni Almendras.

Sinabi rin ni Almendras na nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng dalawang gobyerno noong gawin ang Asia Pacific Economic Conference o APEC sa Bali, Indonesia. Aniya, inabot rin ng lima’t kalahating buwan ang pagbuo sa mga sulat na ibinigay sa mga pamilya ng mga biktima. –DCR

Advertisements