Alyas ‘Straight’ utak umano ng pork barrel scam

 

Isang alyas ‘Straight’ umano na miyembro ng administrasyong Aquino ang idinadawit ngayon at sinasabing utak ng pork barrel scam.

Ang naturang alyas ay tumutukoy umano kay Department of Budget and Management Secretary Florencio “Butch” Abad. Ito ang lumabas sa ulat ngayong araw ng pahayagang The Daily Tribune.  Ayon sa isang source ng pahayagan, si Abad ang sinasabing nagturo kay pork barrel scam queen Janet Lim Napoles ng mga gagawin nito.

Ayon pa sa isang source ng nasabing pahayagan, ‘Straight’ ang codename ni Abad dahil diretso umano sa bulsa nito ang mga nakukuhang kickback mula sa mga Priority Development Assistance Fund (PDAF) bago idinedeposito sa hindi pinangalanang bangko sa Singapore.

Sinabi pa ng source ng Tribune na bukod kina Sen. Ramon Revilla, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile ay kabilang din sa listahang ginawa ni Napoles sina Senate president Franklin Drilon, dating senador Edgardo Angara, Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Chiz Escudero, Sen. Gringo Honasan, Sen. Loren Legarda, Sen. Lito Lapid, Sen. Tito Sotto at Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Binanggit din umano ng source ng Tribune na nagpunta sina Abad at Department of Agriculture Sec. Proceso Alcala sa Malacañang kung saan napagkasunduan nila kasama si Pangulong Benigno Aquino III na hindi pwedeng lumabas ang listahan at affidavit na isinumite ni Napoles kay Department of Justice Sec. Leila de Lima maliban na lamang kung babaguhin ito ni Napoles.

Sa panayam naman ng programang Mornings@ANC ng ABSCBN News Channel ngayong umaga, itinanggi ni Alcala ang naturang paratang. Depensa ng kalihim, nagpunta siya sa Palasyo para makipag-usap kay PNoy tungkol sa nalalapit na pagbisita sa bansa ni US Pres. Barack Obama. Ayon kay Alcala kasamang tatalakayin sa naturang pagdalaw ang ilang usapin tungkol sa agrikultura. Ayon pa kay Alcala, wala siyang matandaang pagkakataon na nagkaharap sila ni Napoles. “Kahit noong naging congressman ako never kong na-encounter si Napoles. Sa dami ng nakikipag-usap sa akin  wala akong natatandaan na siya ay nakaharap ko,” ayon pa sa kalihim.

 

alcala pnoy abad

PNoy (left) DA Sec. Proceso Alcala (center) and DBM Sec. Abad (right) Image from: http://www.newsflash.org/2004/02/pictures/000085643.jpg

 

Matapos naman ang pakikipag-usap ni Napoles kay De Lima at pagbibigay nito ng listahan at kanyang affidavit, sinabi ni Whistle Blowers Association of the Philippines (WBAP) president Sandra Cam na may hawak din siyang kopya ng naturang listahan.

Kasabay nito, hinimok ni Cam si De Lima na ilabas na ang listahan at isapubliko ito. Balak rin umano ng grupo ni Cam na pagkumparahin ang listahang hawak nila at ang listahang hawak naman ng kalihim.

Una ng sinabi ni rehabilitation czar Sec. Panfilo Lacson na binigyan din siya ng kampo ni Napoles ng kopya ng affidavit na isinumite nit okay De Lima pati na ang nasabing listahan at isang usb na naglalaman ng kontrobersyal na phone conversation.

May himig pagbabanta rin si Lacson at sinabing magsasalita siya tungkol sa listahang hawak sakaling makita niyang may cover up na nagaganap. Sa kabila nito ay naniniwala naman umano si Lacson na si De Lima ang tamang tao na nilapitan ni Napoles. Naniniwala rin ang kalihim na hindi isa-sanitize ni De Lima ang listahan para mapagtakpan ang iba pang idinadawit sa naturang anomalya.

Una ng sinulatan ni Santiago si Senate Blue Ribbon Committee Chairman TG Guingona para hilingin dito na muling ipatawag sa Senado si Napoles para masiyasat ukol sa nalalaman nito. Ayon pa kay Santiago, maaaring ipatawag ng komite si Napoles kahit pa natapos na ang committee draft report ukol sa imbestigasyon nito sa kontrobersya.

Nananawagan na rin sina Sen. Grace Poe, Sen. JV Ejercito at Sen. Antonio Trillanes IV para sa muling pagpapaharap kay Napoles sa Senado.

Samantala sa isang press conference kahapon sa Senado, sinabi ni Drilon na maaaring isapubliko ang listahang ginawa umano ni Napoles na hawak din umano ni Lacson kung ito ay suportado ng mga kaukulang ebidensya at dokumento. “If the listahan is supported and substantiated by credible and documentary evidence, please go ahead, pero kung listahan lang naman, siguro naman pag-ingatan ang institusyon ng Senado,” ayon pa sa senador.

Nananatili namang hati ang opinyon ng mga senador kung ipapatawag ba nila muli sa Senado si Napoles matapos ang pagbubunyag nito kay De Lima. -DCR

 

 

 

Maaaring basahin ang buong istorya ng The Daily Tribune sa link na ito:

http://www.tribune.net.ph/headlines/abad-named-pork-king-on-list

 

 

 

Advertisements