MERS-CoV case sa Saudi Arabia umakyat na sa mahigit 300, dalawang Pinay nurse damay

Umakyat na sa 313 ang bilang ng mga taong nagkakaroon ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV sa Saudi Arabia.

Ito ay matapos makapagtala ng 12 bagong kaso ng MERS-CoV infection sa naturang bansa.

Sa pinakahuling ulat ng Saudi Health Ministry sa kanilang website noong April 24, naitala ang mga bagong kaso ng MERS-CoV sa Riyadh, Jeddah at sa Mecca.

Kabilang sa mga bagong biktima ay dalawang Pinay nurse. Ang una ay isang 40-anyos na Filipina nurse na nagmula sa Riyadh. Ito ay nagtatrabaho umano sa Prince Sultan Military Medical City. Ayon sa ministry, nagkaroon ng contact ang nurse sa isang biktima na mayroon ding MERS-CoV ngunit hindi pa naman ito nagpapakita ng anumang sintomas ng nasabing sakit.

Ang pangalawa naman ay isang 34-anyos na Filipina nurse na nagtatrabaho sa intensive care unit ng Al-Noor Hospital sa Makkah (Mecca). Ayon sa ministry website, nagkaroon din ng contact sa isang infected victim ang Pinay nurse at lumabas lamang ang mga sintomas na mayroon itong MERS-CoV noong April 21. Patuloy naman umanong ginagamot ang biktima habang stable din ang kondisyon nito.

Sa ngayon aabot na sa 92 ang mga namamatay sa Saudi Arabia dahil sa naturang sakit.

Dito naman sa Pilipinas, patuloy pa rin sa paghahanap ang Department of Health sa mga pasaherong sakay ng Etihad flight EY 0424. Halos lahat naman ng pasahero ng nasabing eroplano mula sa United Arab Emirates ay nag negatibo na sa pagsusuri kabilang ang isang Pilipina nurse na una ng napaulat na nagpositibo umano sa MERS-CoV.

Kasabay nito, patuloy din sa pagpapaalala ang gobyerno sa mga Overseas Filipino Workers sa Gitnang Silangan na mag-ingat para makaiwas sa nasabing sakit.

Nagpaalala din ang DOH sa mga OFW na laging maghugas ng kamay, umiwas sa matataong lugar at iwasang magkaroon ng contact sa mga taong mayroong MERS-CoV. Sakali naman umanong magkaroon o makaramdam ng sintomas ng naturang sakit ay agad na magpakonsulta sa mga doktor.-DCR

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Latest news from Saudi Health Ministry as of April 24, 2014 link:
http://www.moh.gov.sa/en/CoronaNew/PressReleases/Pages/mediastatemenet-2014-04-24-001.aspx

 

Advertisements