Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng US at Pilipinas nakatakdang lagdaan ngayong araw

US RP

Philippine Panel of Negotiators led by Defense Undersecretary Pio Lorenzo F. Batino (left) and American counterparts led by Ambassador Eric John during the negotiations on the Framework Agreement between the Philippines and the United States on Enhanced Defense Cooperation and Rotational Presence Image from: https://fbcdn-sphotos-c-a.akamaihd.net/hphotos-ak-prn2/t1.0-9/10171056_288225464676981_789508408274191373_n.jpg

 

Nakatakdang pirmahan ngayong araw ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados na naglalayong mapalakas pa ang presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa.

Ayon sa ulat ng Associated Press (AP), ilang oras bago ang nakatakdang pagdating ni US Pres. Barack Obama sa bansa ay pipirmahan naman ang Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng Amerika. Ang kasunduan ay magiging epektibo sa loob ng 10 taon.

Gaganapin ang paglagda sa kasunduan sa tanggapan ng Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo.

Sa isang advisory naman mula sa DND, sinabi nitong magiging signatory sa kasunduan sina DND Sec. Voltaire Gazmin at US ambassador to Manila Philip Goldberg. Gaganapin umano ang paglagda bandang alas-10 ng umaga.

Ang paglagda sa naturang kasunduan ay magaganap sa gitna ng agawan sa teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at ng China kaugnay ng mga islang nasa bahagi ng West Philippine Sea.

Matatandaan na una ng sinabi ng administrasyong Aquino na hindi mamadaliin para sa nakatakdang pagbisita ni Obama sa bansa ang paglagda sa naturang kasunduan. Una na ring pinabulaanan ng Malacañang na ang kasunduan ay tugon ng Pilipinas sa pagiging agresibo ng China.-DCR

Advertisements