Matapos maging santo, relics ni St. John Paul II ililibot sa Pilipinas

 

Nakatakdang ilibot sa bansa ang mga relic ng dating santo papa at ngayon ay  isa ng bagong santo ng Simbahang Katoliko na si Saint John Paul II.

Ayon sa schedule na inilabas ng Office of the Vice Postulator for the Cause for Canonization of Bl. Ivan Merz, tatagal ang pag-ikot sa relics ni St. John Paull II hanggang June 1.

Ang “Totus Tuus” Tour ay lilibot sa may anim na simbahan sa buong bansa, apat sa mga simbahang ito ay mula sa Metro Manila. Hango ang pamagat ng tour mula sa apostolic motto ni St. John Paul II noong siya pa ang santo papa na ang ibig sabihin ay “I am all yours”. Kahapon, pormal ng nakanonisa sa Vatican bilang mga bagong santo sina St. John Paul II at St. John XXIII.

Makasaysayan ang naturang kanonisasyon dahil ito ang unang beses na dalawang dating santo papa ang sabay na ginawang santo. Makasaysayan din ang pagdiriwang dahil dinaluhan ito ng dalawang buhay na santo papa ng simbahan na sina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict XVI.

 

Si St. John XXIII ay naging tanyag matapos ang mga pagbabagong idinala nito sa Simbahan. Matatandaan na ang dating santo papa ang nagpatawag ng Second Vatican Council na siyang nagpasok ng maraming reporma kabilang na ang paggamit ng vernacular language para lubos na maintindihan ng mga tao ang misa at iba pang doktrina ng Simbahan.

Maalala ng mga Pinoy si St. John XXIII dahil ito ang nagtalaga kay Rufino Cardinal Santos bilang kauna-unahang Pilipinong kardinal ng Simbahang Katolika. Si St. John Paul II naman ang isa sa pinaka popular at masasabing pinakaminahal na santo papa sa kasaysayan ng Simbahan. Isa rin siya sa mga santo papa na nagtungo sa iba’t ibang panig ng mundo dahilan para mas maging tanyag at popular ang katolisismo.

Dito sa Pilipinas, dalawang beses nan bumisita si St. John Paul II, una ay noong January 1981 para sa beatipikasyon ni San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong santo. Ito rin ang kauna-unahang beatipikasyon na ginawa sa labas ng Vatican. Ang ikalawang pagbisita naman ay naganap noong January 1995 para pangunahan ang pagdiriwang ng World Youth Day sa bansa. Bago naman ang naturang mga bagbisita ay una ng nakarating sa bansa si St. John Paul II  noong 1976 bilang arsobispo ng Krakow, Poland.

Kasabay naman ng kanonisasyon kahapon sa Roma para sa dalawang bagong santo ay ang mga aktibidad dito sa bansa. Sa Smart-Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City ay pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isang misa matapos ipalabas doon ang kanonisasyon.

Dinaluhan naman ng libu-libong mga tao ang kanonisasyon sa Roma, kabilang na ng mga Pilipinong nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo. Pinangunahan ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo ang delegasyon ng mga Pilipinong pari na dumalo Vatican. Kabilang din sa mga obispong dumalo kasama ni Quevedo sa kanonisasyon kahapon ay sina Calbayog Bishop Isabelo Abarquez, Catanduanes Bishop Manalo Delos Santos, Sorsogon Bishop Arturo Bastes, Cebu Archbishop Jose Palma, Romblon Bishop Jose Talaoc, Tandag Bishop Nereo Odchimar, at La Union Bishop Rodolfo Beltran.-DCR

 

 

 

The Totus Tuus Tour schedule:

  • May 9 to May 12 – St. Joseph Parish in Upper Bicutan, Taguig City
  • May 13 to May 16 – Holy Cross Parish in Matingain, Lemery, Batangas
  • May 17 to May 18 – Holy Family Parish in Kamias, Quezon City
  • May 23 to May 25 – Santuario de San José in Greenhills, Mandaluyong City
  • May 26 to May 30 – Santa María de la Cabeza Mission Station in Barangay Mangoso, Sigma, Capiz
  • May 31 to June 1 – St. Paul of the Cross Parish in Concepcion Dos, Marikina City

 

 

 

 

 

 

 

Info from:  https://anc.yahoo.com/photos/the-relics-of-pope-john-paull-ii-1398239848-slideshow/pope-john-paul-ii-5-photo-1398235187462.html    

Advertisements