Saudi nagtalaga ng mga ospital para sa MERS-CoV

 

 

 

Nagtalaga na ang Saudi Arabia ng tatlong pagamutan nito para mag-asikaso sa dumadaming kaso ng mga taong nagkakaroon ng Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV) doon.

Ayon kay Saudi acting Health Minister Adel bin Mohammed Faqih, ginagawa na nila ang lahat ng paraan para malutas ang pagkalat ng naturang sakit. “This step comes as part of the emergency plan aiming to contain the spread of the virus. A number of medical preventive and curative procedures will be taken,” dagdag pa ni Faqih.

Kabilang sa naturang mga ospital na itinalaga para mag-asikaso sa mga biktima ng MERS-CoV ay ang Dammam Medical Complex,King Abdullah Medical Complex sa Jeddah, at Prince Mohammed bin Abdulaziz Hospital sa Riyadh. Ginawa ng Saudi ang hakbang sa gitna ng tumaas na bilang ng mga namamatay dahil sa MERS-CoV.

Sa pinakahuling ulat mula sa Agence France Presse, umabot na sa mahigit 100 ang namamatay dahil sa sakit. Pinakahuling biktima nito ay isang siyam na buwang na sanggol.

Noong Sabado, 10 bagong kaso ng MERS-CoV ang naitala. Ayon sa Saudi Health Ministry, pito ang nagmula sa Jeddah, dalawa sa Riyadh at isa mula sa Mecca habang kahapon araw ng Linggo, walo ang nadagdag sa listahan ng mga namatay dahil sa naturang sakit. Nakapagtala rin kahapon ang Saudi ng 16 na bagong kaso. Walo sa mga biktima ay mula ulit sa Jeddah habang apat ay nagmula naman sa Tabuk.

Nabatid na tumaas na ang demand para sa mga hand sanitizer at iba pang personal hygiene products. Sa Jeddah, may mga tao na rin umanong nakasuot ng face mask para makaiwas sa nasabing sakit.

Sa bansang Egypt naman ay naitala nitong Sabado ang kauna-unahang kaso ng MERS-CoV. Nabatid na ang biktima ay isang lalaki  na kababalik lamang mula sa Riyadh.-DCR

Advertisements