Malacañang nagpatawag ng pre Labor Day dialogue

 

PNoy

President Benigno Aquino III during the pre Labor Day dialogue in Malacañang. Photo from: https://www.facebook.com/presidentnoy/photos/a.755259804506769.1073742102.141976959168393/755259907840092/?type=3&theater

Nagpatawag ng pre Labor Day dialogue ang Malacañang ngayong araw. Ginawa ng Palasyo ang hakbang dalawang araw bago ang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Huwebes May 1.

Layon ng pre Labor Day dialogue na malaman ng administrasyon ang saloobin at karaingan ng mga manggagawa. “It is hoped that this discussion will foster greater cooperation among the various groups in order to better serve the Filipino workforce, the backbone of the country,” pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.

Sa ginanap na dayalogo kanina sa Malacañang sa pagitan ni Pangulong Benigno Aquino III at ilang lider manggagawa ay tinalakay ang ilang isyu tulad ng dagdag na sahod para sa mga kawani ng gobyerno, tax break para sa mga minimum wage earner at kalagayan ng enerhiya sa bansa.

Ayon kay PNoy ginawa ang naturang pag-uusap para mapakinggan niya ang karaingan ng mga manggagawa. “Baka naman sabihin ninyo may dayalogo, ako lang ang nagsalita. Nandito ho ako, makikinig ako sa inyo,” pahayag pa ng Pangulo.

Sumang-ayon ang Pangulo na kailangang maiayos at matugunan ang patuloy na pagdami ng mga institusyon at kumpanyang nag-aalok ng job order basis na trabaho. Sa kabila nito nilinaw din ni PNoy na hindi maaaring basta na lamang itaas ang sahod ng may 1.6 milyong kawani ng pamahalaan.

Ilang araw naman bago ang Labor Day ay muling binira ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang Pangulo dahil sa anila’y kawalang aksyon nito upang magkaroon sana ng tamang pasahod ang mga manggagawa. “As far as protecting and upholding the minimum wage is concerned, Aquino is the worst president in recent memory. Not only has he refused to implement a significant wage hike despite huge increases in the prices of basic goods and services, but has attacked the minimum wage and is scheming to further attack the latter.”  “Aquino merely wants to make it appear that Filipino workers are not poor, and he is not really interested in improving their situation. He is after cosmetic changes, not genuine changes in the situation of workers,” pahayag ni KMU chairperson Elmer Labog.

Sa infographic naman na inilabas ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research Inc. (EILER Phils.), lumalabas na ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang may pinakamababang pasahod na nagkakahalaga lamang ng P250.

Sa tala rin ng EILER, aabot lamang sa 342.53 ang minimum na pasahod para sa manufacturing industry, pinakamataas naman ang sa information and communication na umaabot hanggang P567.19. Ayon pa sa grupo, ang patuloy na pagpipilit ng Estados Unidos sa Trans Pacific Partnership (TPP) para sa bansa ay magbubunsod lamang ng pagbaha ng mga imported na produkto na maaari namang magpahirap sa mga lokal na manggagawa at industriya.

“With Obama’s push for TPP, we fear that thousands of workers will be laid off as small enterprises will be jostled out of the market with the entry of big foreign capitalists and greater influx of imported goods. Further trade and investment liberalization will be only for US gain,” pahayag ni Anna Leah Escresa, executive director ng EILER.

Matatandaan na sa Metro Manila huling itinaas ang minimum wage noong nakaraang taon lamang. Aabot sa P10 ang dagdag sahod na natanggap ng mga obrero sa NCR dahilan para umakyat ng bahagya sa P466 kada araw ang pasahod dito.

Nitong nakaraang April 7 naman ay naging epektibo na ang dagdag sahod sa Bicol Region. Ayon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board, mula P3 hanggang 23 ang itataas ng pasahod sa rehiyon. Dahil dito tatanggap ng 228-P252 kada araw ang isang manggagawa sa Bicol depende sa kategoryang kinabibilangan nito.-DCR

 

 

 

Advertisements