Patay sa paglubog ng South Korean vessel umabot na sa mahigit 200

 

Umakyat na sa mahigit 200 ang patay dahil sa paglubog ng South Korean vessel MV Sewol.

Ayon sa ulat ng Arirang News, umabot na sa 205 ang mga bangkay na narerekober sa lumubog na barko habang nasa 97 pa rin ang patuloy na hinahanap.

Nabatid na nahihirapan sa pagsisid ang mga divers dahil sa lakas ng current sa dagat. Lumubog ang MV Sewol noong April 16 sa karagatang sakop ng Jindo Island matapos itong maglayag mula Incheon patungo sanang Jeju.

Dahil sa kahirapang sumisid sa lugar na pinaglubugan ng barko, balak namang mag-deploy ng mga rescuer ng isang diving bell o isang air tight chamber para mas mapadali ang kanilang paghahanap sa mga nawawala pang biktima.

Sa pinakahuling rescue operation ngayong hapon ay nakakuha ng 12 bangkay ang mga diver dahilan para sumampa sa 205 ang bilang ng mga nasawi.

Ngayong araw ay bumisita rin si South Korean President Park Geun-hye sa Ansan kung saan itinalaga ng gobyerno ang isang altar para sa mga nasawi sa insidente upang magbigay ng respeto. Sa nasabing lugar nakalagay ang larawan ng may 159 na mga namatay sa trahedya kabilang na ang  larawan ng 152 mag-aaral mula sa Danwon High School at apat nitong guro.

Humingi  rin ng paumanhin ang Pangulo kaugnay ng naganap na aksidente. Sa kanyang statement sa pagpupulong ng kanyang gabinete sinabi ni Park na humihingi siya ng paumanhin dahil sa nangyari at maging sa pagtugon ng kanyang administrasyon sa trahedya. “I am sorry to the people and heavy hearted that many precious lives were lost,” pahayag ni Park. “I feel so regretful for having been unable to correct such long-running evils and letting an accident like this take place,” dagdag pa nito.

Sakay ng lumubog na passenger vessel ang may 476 na pasahero na karamihan ay estudyante. Sa bilang na ito, aabot lamang sa 176 ang na-rescue.

Una ng nagbitiw sa kanyang pwesto si South Korean Prime Minister Chung Hong-won dahil sa mabagal na aksyon ng kanilang pamahalaan  sa naganap na trahedya. Sa gitna ng nangyaring sakuna hinimok naman ni Chung ang kanyang mga kababayan na huwag ng magsisihan at tulungan na lamang ang gobyerno na maiayos ang lahat.-DCR

Advertisements