14 Abu Sayyaf patay sa panibagong sagupaan sa Sulu

 

Patay ang 14 na bandidong Abu Sayyaf habang isa naman ang nalagas sa pwersa ng gobyerno bukod pa sa 19 sundalo ang sugatan matapos ang bakbakan sa bahagi ng Sulu.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office chief Lt. Col. Ramon Zagala, nagsimula ang labanan gabi ng Martes at nagtagal hanggang kaninang umaga.

Batay sa ulat, nilusob ng hindi bababa sa 100 miyebro ng Abu Sayyaf ang kampo ng Philippine Marines kung saan tinangka ng mga bandido na maagaw ito. Ang ASG ay lumusob sa pangunguna umano ng mga lider nitong sina Idan Susukan Yasser Igasan, Ninok Sappari, at Radullan Sahiron.

Nabatid na una ng nakubkob ng mga militar ang naturang kampo sa kamay ng ASG sa bahagi ng Sitio Kan Jimao Patikul, Sulu.

Kasunod nito, inaasahan na ng mga sundalo ang patuloy na pag-atake ng mga bandido at handa naman umano ang AFP na ipagtanggol ang naturang lugar.

Matatandaan na ang ASG rin ang itinuturong dumukot sa isang Filipina hotel employee at isang Tsinong turista sa bahagi ng Sabah, Malaysia.-DCR

Advertisements