Anim na  Filipino nurse sa Saudi Arabia nagpositibo sa MERS virus

 

 

Kinumpirma ng Saudi Health Ministry na anim na Pilipinong nurse ang kabilang sa mga bagong biktima ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV.

Ayon sa ulat ng abscbnnews.com, lima sa nasabing mga nurse ay babae at isa naman ang lalaki. Apat din sa mga biktima ay pawang nagtatrabaho sa Prince Fahad bin Sultan Private Hospital sa bahagi ng Tabuk.

Sa Jeddah naman nagmula ang isa pa sa mga biktima na may edad 42-anyos at nagtatrabaho sa hindi nabanggit na military hospital doon habang ang huli ay isang 54-anyos na Filipina nurse mula naman sa King Fahad Hospital. Kapwa naman nasa maayos ng kalagayan ang mga biktima.

Sa hiwalay namang media advisory na lumabas sa website ng Saudi Health Ministry noong April 25, tatlong Filipina ang kabilang sa mga bagong biktima ng MERS-COV.

Kabilang sa mga ito ang isang 28-anyos Pinay nurse na nagtatrabaho sa  Dr. Sulaiman Al-Habib Hospital sa Riyadh, isang 40-anyos na Filipina nurse na pumapasok sa Al-Noor Hospital at isang Pilipinong nurse na nagtatrabaho sa IC unit ng kaparehong pagamutan. Hindi pa naman nagpapakita ng sintomas ang dalawang Pinay nurse habang ang lalaking nurse na nagpositibo sa Al-Noor Hospital ay stable na ang kondisyon.

Dito naman sa Pilipinas, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Carmelita Dimzon na patuloy sa pag-iikot ang mga Philippine embassy official sa Gitnang Silangan para madalaw at ma-monitor ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers kaugnay ng MERS-CoV. Kasama na rin umano sa pre departure seminar ng mga pupuntang OFW sa Middle East ang mga kaalaman kung paano makakaiwas sa MERS-CoV.

Ayon naman sa ulat ng CNN, umabot na sa kabuuang 339 katao ang nagpositibo sa MERS-CoV sa Saudi Arabia habang 102 sa mga ito ang namatay.-DCR

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related links:

http://edition.cnn.com/2014/04/27/health/saudi-arabia-mers-coronavirus/

http://www.moh.gov.sa/en/CoronaNew/PressReleases/Pages/mediastatemenet-2014-04-25-001.aspx

http://www.abs-cbnnews.com/global-filipino/04/29/14/6-filipino-nurses-saudi-infected-mers-coronavirus

 

 

Advertisements