P1 milyong sahod para sa Pangulo ng bansa ipinanukala ni Sen. Trillanes

 

Kaugnay ng pagdiriwang bukas ng Araw ng Paggawa naghain naman ng isang panukala si Sen. Antonio Trillanes IV na naglalayong pataasin muli ang sahod ng mga kawani ng gobyerno.

Inihain ng senador ang kanyang panukala sa bisperas ng Labor Day at sa kabila ng nauna ng pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III na walang aasahang umento sa sahod ang mga empleyado ng pamahalaan.

Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, mula sa halagang P120,000 ay ipinanukala ni Trillanes na gawing P1 milyon ang sahod para sa pangulo ng bansa.

Sa ulat naman mula sa DZBB, layon umano ng panukalang batas ni Trillanes na malabanan ang talamak na korupsyon sa pamahalaan sa pamamagitan sa pagpapataas ng sahod hindi lang ng maliliit na kawani ng gobyerno kundi pati ng mga kasama sa militar at maging ng mismong pangulo ng bansa.

Batay sa Senate Bill 1689 o ang Salary Standardization 4, iminungkahi ni Trillanes na mula sa sweldong P9,000 kada buwan na kasalukuyang tinatanggap ng isang empleyado ng gobyerno na may pinakamababang pwesto, itataas ito sa P16,000. Ang Pangulo naman ng bansa na kasalukuyang tumatanggap ng P120,000 kada buwan ay tatanggap na ng P500,000 batay sa panukala ni Trillanes.

Ang mga military naman at iba pang uniformed personnel batay sa panukala ay maglalaro na ang sasahurin mula sa P23,000 para sa may pinaka mababang ranggo hanggang P282,800 para sa isang four star general.

Ayon sa senador, bukod sa paglaban sa korupsyon, layon din ng panukala na malabanan ang brain drain sa bansa o ang pag-alis at pamamasukan sa ibayong dagat ng mga doktor, nurse, guro at iba pang propesyunal sa gobyerno. –DCR

 

Related link
http://newsinfo.inquirer.net/598396/p1m-monthly-for-ph-president-higher-pay-for-govt-officials-proposed

Advertisements