Malawakang job fair handog ng DOLE ngayong Labor Day

Kasabay ng paggunita sa Labor Day ngayong araw sa bansa ay isang malawakang job fair ang handog ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga naghahanap ng trabaho.

Hindi bababa sa 150,000 trabaho mula sa 65 venue ang iaalok sa mga naghahanap ng trabaho ngayong araw. “The 65 job fairs will be simultaneous nationwide. These will be held in different venues in 16 regions under the overall supervision of the DOLE,” pahagay ni DOLE Sec. Rosalinda Baldoz.

Kabilang naman sa mga trabahong iaalok sa mga job fair ng DOLE ay may kinalaman sa wholesale and retail trade, real estate, automotive, cyber services hotel and restaurant,  information technology, tourism, health and wellness,  construction, banking, finance, insurance, call center, at cargo.

Kasabay ng tema ng Labor Day ngayong araw na “Sa Sipag, Tiyaga, at Talino, Buong Mundo Saludo sa Manggagawang Pilipino,” inaasahan ng DOLE na magkakaroon din ng mataas na hiring rates ang mga employer para sa mga aplikante.

Dito sa Metro Manila gagawin ang mga job fair sa may 17 na lugar kabilang na ang sa SMX Pasay City at iba pang SM Supermalls.  Sa SMX kung saan may pinakamalaking job fair ngayong araw, aabot sa 58,004 na trabaho ang iaalok ng may 170 kumpanya at mga institusyon. Sinusundan ito ng job fair sa SM North Edsa na mag-aalok ng 6,499 na trabaho habang nasa 1,715 na trabaho naman ang iaalok sa job fair sa SM Megamall.

Kabilang naman ang Philippine National Police at Bureau of Internal Revenue sa mga ahensya ng gobyernong mag-aalok ng mga trabaho sa nasabing mga job fair.

Bukod sa alok na trabaho, nasa pagdarausan din ng mga job fair ang National Bureau of Investigation, PhilHealth, Professional Regulation Commission, Social Security System, at Pag-IBIG para tugunan ang pangangailangan ng mga aplikante.

Kasabay nito, umapela naman si Baldoz sa mga employer na taasan ang kanilang hiring rates ngayong araw. Aniya, sana ay maikonsidera ng mga kumpanya ang mga aplikanteng halos kwalipikado naman sa trabahong nais pasukan subalit kulang lamang ng isa o dalawang kwalipikasyon. “A near-hire applicant, if given the chance, might quickly learn or acquire a “missing qualification” if he/she is already on the job or may be through a short training,” dagdag pa ng kalihim.

Noong Labor Day 2103 aabot sa 127,880 ang mga nagparehisto at sumali sa ginawang job fair ng DOLE habang 20,905 ang na-hire on the spot ng mga sumaling kumpanya.-DCR

Advertisements