Para sa 2016: “Piliin natin ang karapat–dapat”- PNoy

 

Pagpili sa karapat dapat na pinuno. Ito ang isa sa naging laman ng talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Labor Day.

Nagpahaging na ang Pangulo para sa umano’y dapat piliin ng mga Pilipino bilang susunod na lider ng bansa matapos ang kanyang panunungkulan sa 2016.

Una nito ay binisita ni PNoy ang ilang industriya sa Biñan, Laguna kung saan binigyang pugay nito ang mga manggagawa ngayong Labor Day.

Pinapurihan ng Pangulo ang Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA. Layon ng nasabing programa na pondohan, pag-aralin at tulungang makahanap ng trabaho ang mga Pilipino. “Matapos nga po ang dalawang taon, kitang-kita na natin ang positibong bunga ng ating mga pagsisikap. Halimbawa nito ang magandang resulta ng pagsasanay ng ating scholars sa TESDA sa mga kumpanyang Testech, Inc., Alliance Mansols, Inc., at dito po sa Integrated Microelectronics, Inc. or IMI. Ito nga pong tatlong kumpanyang ito na dinalaw natin ngayon, kasama na ang organisasyon ninyong Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines o SEIPI, ang siyang nakipagkapit-bisig sa ating pamahalaan upang ipatupad ang Training for Work Scholarship Program ng TESDA,” pahayag ng Pangulo. 

Sinabi rin ng PNoy  na nagpapatuloy ang pagtutok ng kanyang administrasyon sa sektor ng paggawa na bahagi naman ng permanenteng estratehiya umano ng gobyerno para mapaangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. “Bahagi po ito ng isang malawakang stratehiya upang gawing permanente ang pagbabagong tinatamasa natin. Pangunahin pong pundasyon nito ang pagsigurong ang pag-angat ng ekonomiya ay napapakinabangan ng nakakarami sa pamamagitan ng trabaho, kabuhayan, at pagkakataong bumubukas sa iba’t ibang sektor. Alam naman po natin na ang sektor ng paggawa, kung mabibigyang-lakas at sapat na suporta, ay siyang hitik na hitik sa trabaho, kaya nga po patuloy ang tutok natin dito,” dagdag pa nito.

Bago naman matapos ang kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na kung nais ng sambayan na magpatuloy ang tinatamasang pagbabago, dapat umano silang pumili ng isang lider na siyang magpapatuloy ng mga nasimulang reporma ng kanyang administrasyon. “Ang pakiusap ko po, kung naniniwala kayo na tama ang ating ginagawa, kung ayaw ninyong mabalewala ang maganda nating nasimulan sa tuwid na daan, piliin natin ang mga susunod na pinunong magpapatuloy at higit pang magpapayabong sa ating mga naipunlang reporma. Piliin natin ang karapat-dapat upang maging permanente ang malawakang transpormasyong tinatamasa na ng ating lipunan,” pahayag pa ni PNoy.

Bagama’t hindi tuwirang binanggit ng Pangulo ang 2016 Presidential Election, binanggit naman nito ang talumpati ilang araw matapos lumabas ang isang survey kaugnay sa mga nangungunang presidentiable sa bansa.

Batay sa pinakahuling survey Pulse Asia na ginawa noong March 19-26, nangunguna si Vice President Jejomar Binay sa mga presidentiables na nakakuha ng 40%. Sinundan ito ni Sen. Grace Poe na nakakuha ng 15%. Nasa ikatlong pwesto naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago na may 10%, sunod si Sen. Chiz Escudero na may 9% habang nangulelat naman ang sinasabing magiging pambato ng Liberal Party na si DILG Sec. Mar Roxas na nakakuha lamang ng 6%.

Bago ang Labor Day, una ng sinabi ng Malacañang na masyado pang maaga para isipin ng Pangulo ang darating halalan kung kaya nakatuon ang pansin nito sa mga bagay na makakapagpa-angat pa sa kabuhayan ng sambayanang Pilipino habang siya ay nasa pwesto.-DCR

 

Advertisements