HIV cases sa bansa patuloy sa pagtaas ayon sa DOH

Muling tumaas ang bilang ng mga taong nagkaroon ng HIV (Human Immunodeficiency Virus) nitong buwan ng Marso 2014.

Nakapagtala ang Department of Health ng 498 bagong kaso ng HIV habang 53 sa nasabing bilang ay nauwi na sa AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome).

Karamihan sa mga lugar na nakapagtala ng bagong kaso ng HIV ay nagmula sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, at Central Visayas. Dahil dito, aabot na sa kabuuang 1,432 ang mga kaso ng HIV para sa 2014 lamang kung saan pinakamataas ang naitalang bilang para sa buwan ng Marso. Nasa 95% naman sa nasabing mga kaso ay puro lalaki. 

Pangunahing dahilan pa rin sa pagtaas ng HIV cases ay ang unprotected sex kung saan nakuha ang sakit ng karamihan sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Noong Pebrero ay nakapagtala ang DOH ng 486 bagong kaso ng HIV,  36 sa mga ito ay nauwi sa AIDS. Para sa buwan ng Enero nakapagtala ang kagawaran ng  448 bagong kaso ng HIV.

Noong 2013, nakapagtala ang DOH ng 4,814 kaso ng HIV kung saan 179 ang namatay. Noong 2012 nasa 3,152 ang bilang ng mga taong nagkaroon ng HIV habang 2,239 kaso naman ang naitala noong 2011.

Mula naman Enero hanggang Marso ngayong taon ay umabot na sa 34 ang namamatay dahil sa HIV. Lahat ng mga ito ay pawang mga lalaki na naglalaro ang edad mula 20-34 taong gulang.

Patuloy pa rin ang kampanya ng kagawaran para makaiwas ang publiko sa naturang sakit tulad ng pamamahagi ng mga condom at pagbibigay ng tamang kaalaman kung paano makakaiwas sa HIV.

Kasabay nito, sa May 19 ang Sta. Ana Hospital sa Maynila katuwang ang AIDS Society of the Philippines, DOH, Manila City government at iba pang NGO ay magdaraos ng kauna-unahang candlelight memorial celebration. Layon nito na mamulat pa ang kamalay ng karamihan sa naturang sakit at upang magbigay ng tamang kaalaman paano makakaiwas at kung paano dapat itrato ang mga biktima ng HIV. –DCR

 

 

Advertisements