Subway train sa South Korea nagsalpukan, 170 sugatan

 

Sugatan ang hindi bababa sa 170 katao matapos ang salpukan ng dalawang tren sa Seoul, South Korea.

Naganap ang aksidente bandang 2:30 ng hapon (Manila Time) sa Sangwangsimni Station, isa sa pinaka abalang istasyon sa kapitolyo ng SoKor.

Ayon sa ulat ng Reuters, paalis na ang isang tren sa naturang istasyon ng bigla na lamang itong banggain ng isa namang papadating na tren.

Nagdulot ang banggaan sa pagkadiskaril ng isa sa mga bagon ng tren kaya kinailangan pang maglakad ng iba sa riles pabalik sa istasyon.

Karamihan sa mga biktima ay nasugatan din umano matapos tumalon pababa sa riles. Bagama’t marami ang nasaktan ay wala naman umanong malubha sa mga ito.

Sa ulat naman ng Yonhap, naganap ang aksidente matapos banggain ng isang tren ang isa pang nakatigil na tren  dahil sa mechanical problem.

Ilan naman  sa mga sugatan ay naidala na sa pinakamalapit na ospital. Wala namang napaulat na namatay dahil sa aksidente.

Naganap ang banggaan ng dalawang subway train sa gitna ng pagluluksa ng SoKor matapos ang paglubog ng passenger ship Sewol sa karagatan ng Jindo noong April 16. Sakay ng naturang barko ang 476 na pasahero na ang karamihan ay pawang mga mag-aaral sa high school.-DCR

Advertisements