Voters registration sa May 6 na, ‘Walkah Walkah campaign’ inilunsad ng COMELEC

 

 

walkah walkah

 

Inilunsad na ng Commission on Election (COMELEC) ang magiging kampanya nito para sa voters registration na sisimulan sa susunod na linggo.

Ang bagong proyekto ng COMELEC na “Walkah Walkah: Step Juan Tungo sa Mulat na Botante” ay naglalayong bigyang ng kaalaman ang publiko at hikayatin silang makisangkot sa mga bagay na may kinalaman sa halalan. Kasabay nito ay nais din ng komisyon na sa tulong ng kanilang kampanya ay mas makahikayat sila ng maraming kwalipikadong Pilipino na magparehistro upang makaboto ang mga ito sa darating na Mayo 2016.

Uumpisahan ng COMELEC ang paglalakad at pagsasagawa ng voters education and registration sa Laoag, Ilocos Norte sa May 6 sa pangunguna nina COMELEC Chairman Sixto Brillantes at Spokesperson James Jimenez na siyang nakaisip sa naturang kampanya.

Ayon kay Jimenez, bukod sa nais nilang mapataas pa ang bilang ng mga kwalipikadong botante ay gusto rin nilang masiguro na ang halos siyam na milyong botanteng rehistrado na ay makukunan ng kanilang mga biometrics upang makaboto ang mga ito sa darating na eleksyon.

Matapos naman sa Laoag at magtutungo ang grupo ng COMELEC sa Tarlac City bago isunod ang pagdadala ng nasabing kampanya para sa mga persons with disabilities (PWDs) sa Rizal Park sa June 1.

Nakatakdang magtapos ang “Walkah Walkah campaign” ng komisyon sa Matnog, Sorsogon. -DCR

EID_INFO_VREG1

Para sa karagdagang impormasyon maaaring bisitahin ang: http://walkahwalkah.org/main/

Advertisements