Palarong Pambansa 2014 umarangkada na

Palaro Calabarzon

Student-athletes from CALABARZON (Region-4A) during the opening of the 2014 Palarong Pambansa in Laguna Sports Complex. Image from: https://www.facebook.com/palaro2014Laguna?fref=photo

Pormal ng nagsimula ngayong araw ang 2014 Palarong Pambansa sa lalawigan ng Laguna.

Pinangunahan nina Laguna Governor Jorge “ER”  Ejercito at Deparment of Education Secretary Armin Luistro ang opening ceremony na ginanap kaninang umaga sa Laguna Sports Complex sa bayan ng Sta. Cruz.

Palarong Pambansa logo

Dinaluhan nina TESDA Director General Joel Villanueva, Cebu City Mayor Mike Rama at Manila Mayor Joseph Estrada ang opening ceremony. Si Villanueva ang kumatawan kay PNoy para sa pagbubukas ng taunang sports competition ng DepEd.

Sa opening ceremony ay tinanggap ng lalawigan ng Laguna sa pangunguna ni Ejercito ang may 11,200 na mga atleta at 1,200 mga opisyal  mula sa 80 probinsya sa buong bansa na nagmula naman sa 17 rehiyon.

Hindi nakadalo sap ag-uumpisa ng taunang kompetisyon si pambansang kamao at Saranggani Rep. Manny Pacquiao. Sa kabila nito ay nakasama naman ng mga atleta sa pagbubukas ng programa sina Sochi Olympian figure skater Michael Martinez, actor/swimmer Enchong Dee, at ang magkapatid na manlalaro ng basketball na sina Jeron at Jeric Teng.

Naging espesyal naman ang Palarong Pambansa ngayong taon dahil sa pagdalo ng mga atleta mula sa Region 8 sa kabila ng paghagupit sa kanila ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon. Sa kabila ng pananalasa ng bagyo ay nakapagpadala ang rehiyon ng buong delegasyon nito sa taunang palaro.

Kasabay nito, nagpasalamat din ang mga atleta at coach mula sa nasabing rehiyon dahil sa mga tulong na natanggap nila matapos ang bagyo. Dala ang isang mahabang banner na may nakasulat na “We have survived. Thank you for your help” ay nagpaabot ng pasasalamat ang mga atleta at coaches ng Region 8 para sa lahat.

Palaro region 8

Student-athletes from Region 8 during the opening ceremony of 2014 Palarong Pambansa in Laguna. Image from: https://www.facebook.com/palaro2014Laguna?fref=photo

Palaro region 8.1

Isa din sa inabangang parte ng pagbubukas ng taunang sports competition ay ang pagpapasinaya sa 26 talampakang taas na monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Ang naturang rebulto ay nagpapakita kay Rizal bilang isang eskrimador. Sa kasalukuyan, ito ang pinakamataas na bantayog ni Rizal sa buong bansa.

Samantala bago pa ang pormal na pagbubukas ng kumpetisyon ay nagpahatid na ng pagbati ang Malacañang para sa mga atleta at opisyal na kalahok sa taunang palaro. Ayon kay PCOO Sec. Sonny Coloma, kaisa sila ng sambayanan sa paghahangad na magiging daan ang Palarong Pambansa upang magkaroong ng pagkakaisa at paggalang sa kapwa. “Bumabati kami sa lahat ng kabataang atleta na lalahok sa 2014 Palarong Pambansa na magsisimula Lunes sa lalawigan ng Laguna.” “Kaisa kami ng sambayanan sa pag-asang ang palaro sa taong ito ay magsisilbing tagapagtaguyod sa pagpapahalaga sa displina, pagkilos bilang iisang pangkat o teamwork, pagiging patas at makatwiran, pagkakaisa at paggalang sa kapwa,” pahayag pa ni Coloma.

Tatagal ang Palarong Pambansa 2014 simula April 4 hanggang 10. Una namang nakasungkit ng gintong medalya sa pagsisimula ng palaro ang CARAGA sa pamamagitan ni Zeanne Faith Cabrera matapos manguna sa javelin throw (girsl, secondary). –DCR

Advertisements