Unang kaso sa US naitala sa Indiana, MERS-CoV case sa Saudi Arabia umakyat na sa mahigit 400

Umakyat na sa 411 ang kabuuang bilang ng mga nagkakaroon ng Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV) sa Saudi Arabia.

Sa pinakahuling ulat mula sa Saudi Arabia Ministry of Health (MoH) na inilabas noong Sabado, nakapagtala ng 15 bago kaso ng mga nabiktima ng MERS-CoV sa nasabing bansa habang isa naman ang namatay dahil sa sakit.

Sa naturang bilang, pinakamarami ang nagmula sa Riyadh na umabot sa anim. Sa naturang lugar din nagmula ang bagong kaso ng pagkamatay sa MERS-CoV. Limang bagong kaso naman ang nagmula sa Jeddah habang apat naman sa Makkah.

Apat naman ang agad na nakarekober mula sa MERS-CoV matapos unang magpositibo ang mga ito. Tatlo sa mga ito ay nagmula sa Makkah habang isa mula sa Jeddah.

Sa kabuuan ay 112 na namamatay sa Saudi Arabia dahil sa MERS-CoV.

Sa United States naman, nakumpirma noong Biyernes na nakarating na sa nasabing bansa ang MERS-CoV matapos magpositibo ang isang byahero sa Indiana.

Ang insidente ang kauna-unahang kaso ng MERS-CoV sa US. Napag-alaman na nagmula ang byaherong biktima sa Riyadh saka tumungo sa London, England bago pumuntang Chicago. Mula Chicago ay sumakay umano ng bus ang biktima patungong Indiana.

Noong April 27 nakaranas ng mga sintomas ng MERS-CoV ang hindi kinilalang pasyente na ngayon ay nasa isang isolation room sa isang ospital sa Indiana at nasa stable na umanong kondisyon.

Kaugnay nito, pinag-iingat na ng US Center for Disease Control and Prevention ang mga mamamayan nito laban sa MERS-CoV. -DCR

 

Advertisements