Pangilinan itinalaga bilang food security at agriculture czar ni PNoy

Nanumpa na si dating Sen.Francis “Kiko” Pangilinan bilang bagong miyembro ng gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III. 

Itinalaga ni PNoy si Pangilinan bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization.

Tututukan ni Pangilinan ang ilang ahensyang konektado sa agrikultura tulad ng Philippine Coconut Authority, National Food Authority at National Irrigation Administration.

Una ng kinumpirma ni PCOO Sec. Herminio Coloma ang pagkakatalaga ng Pangulo kay Pangilinan.

Mananatili namang kalihim ng Department of Agriculture si Sec. Proceso Alcala. Naganap ang pagkakatalaga kay Pangilinan sa gitna ng mga alegasyong dawit si Alcala sa kontrobersyal na pork barrel scam.

Dumistansya naman si Pangilinan sa usapin ng pork barrel sa pagsasabing ang mandanto niya sa kanyang bagong posisyon ay ang palakasin ang sektor ng agrikultura sa bansa.

Sa kanyang press briefing sa Malacañang matapos manumpa sa bagong tungkulin, binigyang diin ni Pangilinan ang kahalagahan na mabigyang pansin ang mga magsasaka at mangingisda para matamo ang food security ng bansa. “Siguro kailangan ko rin bigyang diin na  para magkaroon ng food security kailangan nating masiguro ang kapakanan ng ating mga magsasaka at mangingisda. There are serious problem affecting our agriculture that needs to be addressed, we are here to help,” pahayag pa ng bagong kalihim.

Kasabay nito, sinabi rin ni Pangilinan na kailangang pagtuunan ng pansin ang rural development sa bansa. “70% ng poverty nasa kanayunan, pinakamahirap ang mga mangingisda so kung gusto mong magkaroon ng epekto ang mga programa kailangan rural development.”

Nagbigay diin ng babala ang kalihim sa mga rice smuggler. Aniya, magkakaroon ng problema ang mga ito kung ipagpapatuloy nila ang kanilang gawain. Kaugnay nito, nais din ni Pangilinan na respasuhin ang sistema ng rice importation sa bansa. “Whether kung mabubuwag sila  (Rice smugglers) or hindi, hindi ko masasabi pero ang layunin natin ay mas magkaroon ng mas malinis na proseso ng rice importation sa ating bansa. Ang aking marching order ay ayusin ang proseso ng rice importation sa bansa,” dagdag pa ni Pangilinan.

Si Pangilinan ay nagsilbing senador mula 2001 hanggang 2013. Sa kanyang huling termino sa Senado ay pinamunuan nito ang Senate Committee on Agriculture and Food. Bago muling bumalik sa gobyerno ay ibinuhos ng dating senador ang kanyang atensyon sa organic farming sa kanyang farm sa Cavite.-DCR

Advertisements