Rotating brownout lalo pang humaba, Kakulangan ng kuryente sa Mindanao tumitindi

 

Lalo pang tumitindi ang nararanasang kakapusan sa suplay ng kuryente sa rehiyon ng Mindanao.

Ito ay matapos umabot ng mahigit 10 oras ang kailangang ipatupad na rotating brownout sa iba’t ibang lugar sa nasabing rehiyon.

Batay sa ulat ng MindaNews, lalo pang bumaba ang lebel ng tubig sa Pulangi River at Lake Lanao na pangunahing pinagkukunan ng kuryente sa rehiyon.

Ayon kay Cagayan Electric Power and Light Company (CEPALCO)vice president Ralph Paguio, ipinagbigay alam sa kanila na umabot sa 699.4 meters ang lebel ng tubig sa Lake Lanao kahapon. Dahil dito ay napilitan na umano silang ipatupad ang pito’t kalahating oras na rotating brownout sa Cagayan de Oro City simula ngayong Martes ng gabi.

Sa isang advisory na inilabas ng CEPALCO, sinabi nito na binawasan na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang isinusuplay nitong kuryente sa kanila simula pa kahapon.

Ayon pa sa CEPALCO, nangangailangan sila ng kabuuang 140 MW subalit nasa 30 MW lamang umano ang pinayagang makuha nila mula sa Mindanao Grid hanggang kaninang umaga.

Tatagal ang pito’t kalahating oras na rotating brownout sa Cagayan de Oro simula ngayong Martes hanggang sa Mayo 8.

Ayon naman kay Brian Diosma ng Mindanao Power Monitoring Committee (MPMC), ang Pulangi hydro plant na nakakagawa ng 265 MW na kuryente ay nakapag-generate lamang ng 60 MW hanggang kaninang hapon.

Batay naman umano sa datos ng MPMC, nakakaranas ng hanggang anim na oras na kawalan ng kuryente araw-araw ang Davao City at General Santos City.

Sinabi pa nito na sa ibang bahagi ng Mindanao ay umaabot na ng hanggang 12 oras ang nararanasang rotational brownout partikular sa mga bayan ng Pikit, Midsayap at Aleosan sa North Cotabato.

Dagdag pa ni Diosma, humingi na sila ng tulong sa Deparment of Agriculture ng tulong para magsagawa ng cloud seeding sa bahagi ng Pulangi River at Lake Lanao. -DCR

 

 

Advertisements