Arrest warrant para kina Revilla, Enrile at Estrada pinamamadali na umano ng Malacañang

 

bigthree

Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada and Sen. Bong Revilla Image from: http://community.dipolog.com/attachments/bigthree-jpg.875/

Gumagalaw na umano ang Malacañang para tuluyang maipaaresto at maipakulong ang tatlong pangunahing senador na isinasangkot sa kontrobersyal na pork barrel scam.

Ayon sa ulat ngayong araw ng pahayagang The Daily Tribune, nagpadala na umano ng emisaryo ang Palasyo kina Ombudsman Conchita Carpio-Morales at Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tan.

Batay sa hindi pinangalanang source ng Tribune, sinabi umano ng emisaryo ng Palasyo na pinamamadali na ng isang mataas na opisyal mula sa Malacañang ang paglalabas ng warrant of arrest para kina dating Senate president Juan Ponce-Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla.

Sinabi pa ng source, na ayon umano sa emisaryo ng Palasyo, pinasisiguro ng Malacañang kay Tan na kapag naisampa na sa kanila ng Ombudsman ang kasong plunder laban sa tatlo ay dapat nitong matiyak na sinumang mahistrado ang hahawak ng kaso ay makapagpalabas ang mga ito ng arrest warrant upang matiyak na makukulong na ang tatlong senador.

Ayon pa sa source, nais ng Palasyo na agad ng maipakulong ang mga sabit sa pork barrel scam lalo pa at lumalakas na ang panawagan ng publiko para sa paglalabas ng listahang ibinigay ni Janet Lim Napoles kay DOJ Sec. Leila de Lima.

Kaugnay nito, nasa 10 senador na ang pumirma sa Senate Blue Ribbon Committee report kaugnay ng pork barrel scam. Laman ng nasabing report ang rekomendasyon para tuluyang makasuhan ng plunder sina Enrile, Revilla at Estrada.

Kabilang sa mga senador na pumirma pabor sa committee report ay sina Committee Chairman TG Guingona, Sen. Grace Poe, Sen. Serge Osmeña III, Sen. Chiz Escudero, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. Koko Pimentel, Sen. Loren Legarda, Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Bam Aquino at Sen. JV Ejercito.

Sinabi naman kahapon ni De Lima, na hindi niya isa-sanitized ang listahang ibinigay sa kanya ni Napoles. Ayon sa kalihim, sana ay magtiwala sa kanya ang taong bayan at nangangako siya na gagawin niya ang kanyang tungkulin bilang isang lingcod bayan.

Ayon naman kay Estrada, nakatanggap siya ng mga ulat na nagpapatuloy ang mga tauhan ng kalihim para makumbinsi si Napoles na idiin silang tatlo lamang sa pork barrel scam. Ayon pa kay Estrada, nais ng mga emisaryo ng DOJ na alisin ni Napoles sa listahan ang mga kaalyado ni PNoy mula sa Liberal Party.

Sa isang press briefing ngayong araw sa Malacañang, muli namang nanawagan si Rehabilitatiob czar Panfilo Lacson kay De Lima na isapubliko na ang listahang ibinigay dito ni Napoles.

Muli ring inulit ng kalihim ang babala na magsasalita ito at ilalabas niya ang listahang hawak kapag nakita niyang may mga kaalyado ng administrasyon na hindi isasama si De Lima sa pagsasapubliko nito sa listahan.-DCR

Advertisements