Opisina ng Philippine Army EOD nasunog, mahigit 20 katao sugatan

 

Nasunog ang opisina ng Explosives and Ordinance Division ng Philippine Army sa Fort Bonifacio Taguig City kaninang umaga.

Sa naturang lugar umano nakaimbak ang iba’t ibang uri ng mga bala at pampasabog kung kaya nahirapan ang mga bumbero at fire volunteer na agad maapula ang apoy.

Bukod sa sunog ay ilang pagsabog din ang naganap sa lugar na ikinasugat ng 25 na katao. Dahil dito ay nagtayo na rin ng tent sa lugar para agad na malapatan ng lunas ang mga nasugatan.

Isa umano sa pinakagrabeng nasugatan ay si Army Captain Julius Galleon na kasalukuyan ng ginagamot sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City.

Bukod sa mga sundalo ay nasugatan din sa insidente ang ilang bumbero.

Nakakita naman ng ilang paglabag ang Taguig Bureau of Fire Protection sa pangyayari.

Sa ulat mula sa dzBB, sinabi umano ni Taguig OIC Fire Marshall Junito Maslang na hindi angkop na paglagyan ng anumang uri ng pampasabog ang nasunog na gusali ng Philippine Army EOD. Aniya, maaari ring mayroong paglabag sa Fire Code sa insidente dahil hindi dapat magkasama ang barracks at ang imbakan ng mga bala at armas ng Philippine Army.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at mga pagsabog sa lugar.-DCR

Advertisements