BAGONG TERITORYO NG BANSA: Research exploration sa Benham Rise nagsimula na

 

Sinimulan na ng mga eksperto at siyentipiko ang pagsasaliksik sa bagong teritoryo ng Pilipinas ang Benham Rise.

Sa pangunguna ni Dr. Hildie Nacorda ng University of the Philippines ay naglayag ang isang grupo ng mga researcher patungo sa bagong teritoryo ng bansa noong May 3 sakay ng  M/V DA-BFAR.

Nakarating ang grupo ni Nacorda sa Benham Rise noong Martes, May 5.

Benham Rise 2

 

Ang mga grupo ng eksperto at scientist ay nagmula sa UP-Diliman-Marine Science Institute (MSI), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, UP Los Baños School of Environmental Science and Management (SESAM) and Institute of Biological Sciences, UP Mindanao, UP Baguio, Xavier University at Ateneo de Manila University.

Layon ng pagsasaliksik na malaman ang mga pwede pang gawin sa hinaharap sa nasabing bagong teritoryo ng bansa. Magtatagal ang research exploration sa lugar ng dalawang linggo.

Una ng gumawa ng oceanographic survey ang MSI sa Benham Rise noong 2012. Ayon kay Prof. Jay Batongbacal, sa mga paunang pagsusuri ay lumalabas na sagana sa manganese at natural gas ang naturang lugar.

Ang Benham Rise ay isang underwater plateau na may lawak na  135,506 square kilometers o mas malaki ng di hamak kaysa sa isla ng Luzon. Tinatayang nasa 2,000-5,000 metro ang lalim ng nasabing lugar.

Inaprubahan ng United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong April 12, 2012 ang Benham Rise bilang bahagi ng continental shelf ng bansa tatlong taon matapos maghain at matagumpay na maidepensa ng Pilipinas ang petisyon nito sa UN Commission on the Limits of the Continental Shelf (UNCLCS).  Ang UNCLCS nabuo sa ilalim ng UNCLOS.

Hindi gaya ng Panatag Shoal (Scarborough Shoal) at Kalayaan Islands (Spratly Islands), walang ibang bansa na umaangkin sa Benham Rise maliban sa Pilipinas. Ang naturang lugar ay nasa gawing kanluran ng bansa, na nakaharap sa karagatang Pasipiko malapit sa lalawigan ng Aurora.

Matapos ang pag-apruba mula sa UN,  nangangailangan na lamang gumawa ng batas ang Kongreso  o ng isang executive order na nagtatakda at nagsasaad na ang Benham Rise ay kasama sa continental shelf ng bansa.

Nadiskubre ng Amerikanong geologist na si Andrew Benham ang lugar at noong 1933 ay nai-mapa naman ito.

 

Benham Rise 1

 

Sa pinakahuling tweet mula sa mga ekspertong nagsasagawa ng pag-aaral sa lugar ay nanatili naman umanong maayos ang panahon doon simula ng sila ay dumating.

Ang research expedition ay nagaganap sa gitna naman ng umiigting na alitan sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea. Tulad ng mga pinag-aagawang isla, pinaniniwalaan na ang Benham Rise ay sagana rin sa maraming yamang dagat at mineral.-DCR

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Para sa pinakahuling impormasyon tungkol sa research exploration, maaaring sundan ito sa https://twitter.com/msi_cruise

 

 

 

 

Advertisements