Matapos atakihin ang Vietnamese vessel, China binantaan ang Pilipinas dahil sa pagdakip sa 11 Chinese poachers

 

Dinakip ng PNP Maritime Group ang 11 Chinese fishermen matapos na mahuling pumapalaot ito dala ang humigit kumulang sa 500 buhay at mga patay na pawikan sa karagatang sakop ng Pilipinas noong Martes ng umaga.

Naganap ang pagdakip sa mga Tsinong mangingisda sa bahagi ng Hasa Hasa Shoal (Half Moon Shoal) na bahagi ng mga pinag-aagawang isla sa Spratly Islands.

Ang barko na may markang Qionggionghai 09063 ay pinamumunuan umano ng kapitan nitong si Chen Hi Quan kasama ang 10 nitong tauhan ng mahuli ng PNP Maritime Group.

Ayon kay PNP Maritime Group director, Chief Supt. Noel Vargas, rumesponde ang kanyang mga tauhan mula sa isang ulat sa kanila na may namataang mga unidentified na Pilipinong mangingisda sa bahagi ng Hasa Hasa Shoal. Dito na umano nila nahuli ang nasabing Chinese vessel na nagtataglay ng napakaraming buhay at patay na pawikan.

Mabilis namang binanatan ng China ang pagkakahuli sa 11 mangingisda nito sa pagsasabing labag ang ginawa ng Pilipinas dahil parte ng teritoryo ng China ang Half Moon Shoal.

Ayon sa tagapagsalita ng China Foreign Ministry na si Hua Chunying, nananawagan sila sa bansa na palayain ang mga dinakip nitong mga Tsinong mangingisda.

Pinagpapaliwanag din ng Tsina ang Pilipinas hinggil sa naganap na pagdakip sa mga mangingisda nito.

Kasabay nito ay nagbanta pa ang China na dapat na umanong tigilan ng bansa ang mga provocative action nito sa West Philippine Sea laban sa China.

 

11 Mangingisda dinukot ayon sa Tsina

Sa isang balita namang inilabas ng Chinese state news agency na Xinhua, sinabi nitong dinukot ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihang ang 11 mangingisda malapit sa Half Moon Shoal.

Ayon pa sa ulat, nagpaputok ng apat hanggang limang beses ang mga armadong lalaki bago sumampa sa bangka ng mga mangingisda.

Batay pa sa ulat, nagpadala na umano ng karagdagang bangka ang China para hanapin ang mga nawawalang mangingisda.

 

Kaso isasampa na laban sa mga Tsino

Nanindigan naman ang Department of Foreign Affairs na nasa loob ng teritoryo ng bansa ang Hasa Hasa Shoal kung saan nadakip ang 11 Tsinong mangingisda. “The seizing of the Chinese fishing boat, carrying large numbers of endangered species, and the apprehension of its crew by the Philippine National Police Maritime Group Special Boat Unit were undertaken as actions to enforce maritime laws and to uphold Philippine sovereign rights over its EEZ. Relevant authorities in Palawan will address this case in a just, humane and expeditious manner,”  pahayag pa ng kagawaran.

Dahil dito ay nakatakdang sampahan ng kaso ng PNP Maritime Group ang 11 mangingisda ng kasong paglabag sa Philippine Wildlife Act at Anti-Poaching Law ng bansa.

Sa kasalukuyan ay naidala na sa Palawan ang bangka at nadakip na mga Tsinong mangingisda.

 

Tensyon ng China at Vietnam lumalala

Bukod sa pagkakahuli sa mga Tsinong mangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas ay lalo pang tumataas ngayon ang tensyon sa West Philippine Sea.

Ito ay matapos banggain at bugahan ng tubig ng mga barko ng China ang isang barko ng Vietnam malapit sa pinag-aagawan nitong teritoryo sa nasabi ring karagatan.

Ayon sa ulat ng Thanh Nien news.com, naganap ang insidente noong May 3. Bandang 8:10 ng umaga umano ng banggain Chinese Coast Guard ship ang kanang bahagi ng barko mula naman sa Vietnamese Marine Police.

Nasundan umano ito ng pagbangga pa ng isa pang barko ng China sa isang pang law enforcement vessel ng Vietnam noong May 4.

Ayon kay Tran Duy Hai, deputy chairman ng Vietnam National Border Committee, aabot sa walong barko ng Vietnam ang binangga at binugahan ng tubig ng China.

Dahil dito, nagbanta na ang Vietnam na may hangganan ang kanilang pagtitimpi sa naturang mga insidente at handa umano silang ipagtanggol ang kanilang soberanya kung kinakailangan sakaling muli silang atakihin ng China.

Balak na rin umanong isampa ng Vietnam ang usapin ng agawan ng teritoryo nito laban sa China sa International Arbitral Tribunal.-DCR

 

 

 

 

Advertisements