Isang Pinay nurse pumanaw na, MERS-CoV cases sa Saudi lalo pang tumataas

 

Pumanaw na ang isang Pilipina nurse sa Saudi Arabia dahil sa Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-CoV).

Ayon sa asawa ng biktima, pumanaw ang Pinay nurse bandang 5:50 ng hapon (11:50AM Saudi Arabia time) noong Martes Mayo 7.

Sinabi pa ng asawa ng biktima na mismong ang direktor ng King Fahd Medical City sa Riyadh ang tumawag sa kanya at nagpabatid ng malungkot na balita.

Napag-alaman na ang 45-anyos Pinay nurse ay nagtatrabaho sa emergency room ng nasabi ring pagamutan ng magpakita ng mga sintomas ng MERS-CoV.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), makakatanggap ng mga benepisyo ang pumanaw na nurse dahil ito ay kanilang miyembro. Bukod sa death benefits, sinabi pa ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon na makakatanggap din ang pamilya ng biktima ng livelihood assistance at scholarship.

Kasabay nito ay nagpahayag din ng pagnanais ang asawa ng biktima n asana ay maiuwi sa kanilang bayan sa Negros Occidental ang bangkay ng kanyang misis. Sinigurado naman ng OWWA na tutulong sila sa repatriation ng bangkay ng biktima.

Ang pumanaw na Pinay nurse ay ang pangatlong Pilipinong namatay dahil sa MERS-CoV.  Noong 2013 ay isang Filipino nurse ang namatay dahil sa nasabing sakit sa Riyadh habang noong isang buwan ay isa ring Pilipino nurse ang pumanawa sa United Arab Emirates.

Samantala, patuloy naman sa pagtaas ang bilang ng mga nagkakasakit ng MERS-CoV sa Saudi Arabia.

Sa pinakahuling tala mula sa Ministry of Health (MOH) ay nasa 463 na ang nagkakaroon ng nasabing virus habang 126 sa mga ito ang pumanaw na.

Ayon pa sa advisory mula sa MOH, nakapagtala sila kahapon ng 14 na bagong kaso ng MERS-CoV.  Pinakamarami sa mga ito ay nagmula pa rin sa Riyadh, tatlo sa Jeddah, habang tag-isa naman sa Al Madinah at Taif.  Lima rin ang bagong naitalang namatay dahil sa virus habang isa naman ang naka-recover na.

Bago ito, sa advisory ng MOH noong May 7, ay umabot sa 18 ang bagong kaso ng MERS-CoV na naitala sa Saudi Arabia apat ang namatay habang isa rin ang naka-recover mula sa virus.-DCR

Advertisements