Isyu tungkol sa patuloy na pambu-bully ng China inaasahang tatalakayin sa ASEAN Summit sa Myanmar

Inaasahan na tatalakayin ngayong araw sa pagpapatuloy ng 24th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Naypyitaw, Myanmar ang mga isyu tungkol sa patuloy na pabu-bully ng China sa mga bansang kasapi ng ASEAN tulad ng Vietnam at Pilipinas.

Kahapon ay tumulak na si Pangulong Benigno Aquino III papuntang Myanmar para dumalo sa naturang pagpupulong ng mga lider sa Timog Silangang Asya.

Bago umalis ay nangako ang Pangulo na isusulong nito sa naturang pulong ang mga isyung kinakaharap ng bansa kaugnay ng agawan ng mga teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea).

Naniniwala si PNoy na kailangang umiral pa rin ng kapayapaan sa rehiyon sa kabila ng mga sigalot bunga ng pag-aagawan sa mga teritoryo.

“Ang nais po nating ihayag, itaguyod at sundin ang rule of law sa pagresolba sa mga usapin sa teritoryo, upang mangibabaw ang pagkilala at respeto sa karapatan ng bawat bansa. Sumasalamin ang hakbang na ito sa ating paninindigan: Hindi maaaring madaan sa diyalogo ng dadalawang bansa lamang ang mga usaping nakaka-apekto sa iba’t ibang kasapi ng rehiyon,” pahayag pa ng Pangulo.

Tulad ng Pilipinas inaasahan na kasama rin sa isyung ilalatag ng Vietnam sa ASEAN Summit ang naging insidente sa West Philippine Sea kung saan binangga at binombahan ng tubig ng China ang ilang barko nito.

asean pnoy

Si Pangulong Benigno Aquino III (ikalawa mula sa kaliwa) kasama ang iba pang lider mula sa ASEAN. Image from: https://www.facebook.com/presidentnoy/photos/a.144609985571757.19432.141976959168393/761562727209810/?type=1&theater

 

Sa isang joint statement na ipinalabas ng mga ministro ng ASEAN kasabay ng pagpupulong na nagsimula kahapon, sinabi nilang lubhang seryoso ang mga naging kaganapan sa South China Sea nitong mga nagdaang araw.

Kasabay nito, hinimok din ng ASEAN ang mga bansang sangkot sa pinakahuling sigalot sa dagat na iwasan ang mga hakbang na maaring makasira ng kapayapaan sa rehiyon at resolbahin ang agawan sa teritoryo sa mapayapang paraan.

Iginiit din ng ASEAN ang patuloy ng pagsunod sa nilagdaang Declaration on the Code of Conduct of Parties in the South China Sea noong 2002. Ayon pa sa ASEAN, mahalagang mapanatili ang kapayapaan, freedom of navigation at maritime security sa South China Sea.

Bukod sa mga mapanghamong aksyon laban sa Vietnam, nitong nakaraang lingo lamang ay nadakip ng miyembro ng PNP Maritime Group ang 11 Chinese poachers sa karagatang sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea kung saan nakumpiska sa mga ito ang hindi bababa sa 500 buhay at patay na mga pawikan. Agad namang ikinainis ang Beijing ang insidente at sinabihan ang bansa na agad palayain ang kanilang mga mangingisda.-DCR

Advertisements