21 senador at dalawang cabinet member ni PNoy kasama sa Napolist, DOJ Sec. De Lima pinatatawag na ng Senado

lacson de lima

DOJ Sec. Leila de Lima and Rehab czar Panfilo Lacson Image from: http://www.newsflash.org/2004/02/hl/hl112907.htm

Ipinatatawag na ng Senado si Department of Justice Secretary Leila de Lima para ilantad ang listahang ibinigay sa kanya ni pork barrel queen Janet Lim Napoles.

Ito ay matapos magpalabas ng subpoena ang Senate Blue Ribbon Committee para sa kalihim. Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman TG Guingoina, napirmahan na niya ang nasabing subpoena.

Kinumpirma din ng isang staff ni Senate president Franklin Drilon na napirmahan na din ng senador ang subpoena para kay De Lima.

Kasunod ng pagpapalabas ng subpoena ng Senado ay sinabi naman ni De Lima na handa siyang sumunod sa kahilingan ng nasabing institusyon.

Ayon kay Guingona, kukunin nila ang lahat ng dokumentong ibibigay sa kanila ng kalihim kaugnay ng pork barrel scam.

Dagdag pa nito, sinisigurado rin ni Guingona na malalaman ng publiko ang nilalaman ng listahan ni Napoles sa oras na makuha na nila ito.

Sinabi rin ni Guingona na nangako na si Rehabilitation czar Panfilo Lacson na ibibigay na rin nito sa Senado ang mga dokumentong nasa kanyang pag-iingat kaugnay ng pork barrel scam.

Una ng sinabi ni Lacson na mayroon din siyang hawak na listahan mula kay Napoles kaugnay ng mga sangkot sa nasabing anomalya.

Kasabay nito ay ibinunyag na rin ni Lacson kaninang umaga ang laman ng sinasabing  bersyon ng  ‘Napolist’ na nasa kanyang pangangalaga.

Ayon sa kalihim nasa 21 senador na wala na at kasalukuyang nasa pwesto ang kasama sa listahan ni Napoles. Bukod dito ay may dalawa rin umanong miyembro ng gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III ang kasama sa listahan.

Ayon pa kay Lacson, tiyak na guguho ang institusyon ng Senado sakaling sumambulat sa publiko ang pangalan ng mga senador na dawit sa pork barrel scam. Ang dalawang miyembro ng gabinete naman umano ni PNoy na sangkot sa pork barrel list ay nadamay sa anomalya bago pa sila maitalaga ng Pangulo sa kasalukuyan nilang mga pwesto.

Una ng nagbanta si Lacson na isasapubliko ang listahan sakaling makita niyang nagkakaroon ng cover up sa Napolist.-DCR

Advertisements