GIRIAN LALONG TUMITINDI: Vietnam binomba na rin ang mga barko ng China

Vietnam vessel

Chinese Maritime Ship fires water cannon against Vietnamese Ship. Image from: http://tuoitrenews.vn/society/19615/chinese-vessels-continue-to-fire-water-at-vietnamese-ships-in-its-waters

 

Gumanti na ang Vietnam sa patuloy na pambu-bully ng China sa mga barko nito matapos makipagbombahan ng tubig ang mga Vietnamese sailor laban sa mga Tsino sa karagatang pinag-aagawan ng dalawang bansa sa bahagi ng South China Sea (West Philippine Sea).

Batay sa ulat ng pahayagang TuoiTre News, nagsimula ang girian sa pagitan ng mga barko Vietnam at China bandang 7:30 kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat, nagsimula ang insidente ng palibutan ng 15 Chinese vessel ang isang Vietnamese maritime vessel habang nagpapatrulya ito sa lugar.

Nabatid na tinangkang lapitan ng mga Vietnamese vessel ang oil rig na ilegal umanong itinayo ng China sa kanilang karagatan. Bago ito ay nagladlad din umano ng banner ang isang Vietnamese vessel na may mensaheng nakasulat sa wikang Tsino na nananawagang lisanin na ng China ang lugar.

Dito na umano binomba ng tubig ng mga Chinese vessel ang Vietnamese Maritime Ship. Ayon pa sa ulat, binangga rin umano ng iba pang barko ng China ang mga sasakyang pandagat ng Vietnam na nasa lugar.

Dahil dito ay napilitan umano ang kapitan ng Vietnamese maritime vessel HP 926 na nakilalang si Cao Duy na lumaban at bombahin na rin ng tubig ang  may 15 barko ng China na nakapalibot sa kanila.

Matapos ang ilang minuto ay umatras din umano ang mga Chinese vessel. Nasira naman ang antenna at speaker system ng nasabing barko.

Kasabay nito, nanindigan ang Vietnamese captain na patuloy nilang ipagtatanggol ang soberanya ng kanilang bansa laban sa sinumang magtatangkang labagin ito.

Bago ang insidente ay una ng namataan ng Vietnam Coast Guard ang paglipad sa kanilang himpapawid noong Sabado at Linggo ng mga jet fighter mula sa China.

Hanggang kagabi ay nakapagtala pa rin ang Vietnam ng patuloy na pag-water cannon ng China sa ilang barko nito. Pinakahuli ay naitala bandang 8:40 ng gabi. Ayon sa ulat, binombahan ng tubig ng Chinese vessel 3401 ang Vietnamese vessel Truong Sa 22 malapit sa oil rig.-DCR

 

Advertisements