Abad at Santiago kasama, Limang bagong pangalan sa pork barrel list ibinunyag ni Lacson

lacson

Rehab czar Panfilo Lacson Image from: http://www.senate.gov.ph/photo_release/2012/1206_01.asp

Ibinunyag ni Rehabilitation czar Panfilo Lacson ang limang bagong pangalan na umano’y kasama sa listahan ng mga sangkot sa P10 bilyon pork barrel scam.

Ginawa ni Lacson ang pagbubunyag kagabi sa panayam dito ng programang Bandila ng ABSCBN.

“Ang pinag-uusapan natin dito listahan both ni Ginang Napoles at ni Benhur Luy,” pahayag pa ng kalihim.

Kasama umano sa listahan nina pork barrel queen Janet Lim Napoles at whistleblower Benhur Luy ang pangalan nina Department of Budget and Management Secretary Butch Abad, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. Gregorio Honasan, Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Chiz Escudero.

Wala naman umano sa listahan ang mga pangalan nina Senate president Franklin Drilon at Senate Blue Ribbon Committee Chairman TG Guingona.

Kinumpirma din ni Lacson na kasama pa rin sa listahang mga nakita niya ang pangalan ng tatlong senador na una ng pinakakasuhan dahil sa PDAF scam na sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla at Sen. Juan Ponce-Enrile.

Una ng ibinunyag kahapon ng umaga ni Lacson na aabot sa 21 na mga senador ang kasama sa nakita niyang ‘Napolist’ habang kasama rin umano rito ang pangalan ng dalawang gabinete ni Pangulong Benigno Aquino.

Ayon pa kay Lacson, sa naturang bilang 12 ang nakaupo sa pwesto habang siyam ang tapos na ang termino sa Senado.

Dati ng sinabi ni Lacson, na ibubulgar niya ang pangalan ng mga nasa listahan sakaling makakita siya ng cover up na nangyayari kasabay ng imbestigasyon sa pork barrel scam.

Kahapon ay nagpalabas na rin ng subpoena ang Senado para kay Deparment of Justice Secretary Leila de Lima para ilabas na nito ang listahang ibinigay sa kanya ni Napoles.

Bago ito ay una ng umamin si PNoy at sinabing bago pa nag-usap sina Napoles at De Lima sa Ospital ng Makati kung saan nakuha ng kalihim ang listahan ay nakita na rin umano niya ang Napolist dati pa.

Aniya, ang hawak umanong bersyon ni Lacson ay ikatlo na sa sinasabing listahan ng mga sangkot sa naturang kontrobersya.-DCR

Advertisements