Online petition para isulong ang FOI Bill inilunsad

 

Inilunsad na ng iba’t ibang grupo ang online signature campaign para maisulong ang Freedom of Information Bill.

Ginawa ang paglulunsad ng online campaign sa pangunguna ng grupong change.org sa Bahay Kalinaw, University of the Philippines Diliman.

Dumalo sa aktibidad ang iba’t ibang grupo tulad ng Philippine Press Institute at Makati Business Club na kasama sa Right to Know Right Now Coalition.

Layon ng online signature campaign na makakalap ng mas marami pang pirma para maipakita sa Kongreso ang pagnanais ng sambayanan na maipasa na ang FOI Bill.

Matapos makalikom ng sapat na pirma ay idadala ng mga grupo ang petisyon kina Pangulong Benigno Aquino III at House Speaker Feliciano Belmonte.

Una ng naipasa ng Senado ang bersyon nito ng FOI Bill noong Marso subalit nananatili namang nakabinbin sa committee level ng Kamara ang FOI Bill version nito.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang pagtalakay ng technical working group ng Kamara para sa consolidation ng iba’t ibang bersyon ng FOI Bill na inihain sa kanila.

Kasabay nito, hinimok din ng iba’t ibang grupo si PNoy na tuparin na ang pangako nito noong kasagsagan ng kanyang kampanya na isusulong niya ang FOI Bill kapag naupo sa pwesto.

Ito ay dahil sa nananatiling wala sa mga priority bill ng Malacañang ang naturang panukala sa kabila ng matagal ng pagsusulong dito ng iba’t ibang sektor.-DCR

Para pumirma sa online petition pumunta lamang sa: https://www.change.org/ph/mga-petisyon/pres-benigno-s-aquino-iii-speaker-feliciano-belmonte-jr-isabatas-na-ang-people-s-foi-peoplesfoinow#share

Advertisements