Apat na piloto ng Philippine Air Force magsasanay sa South Korea

FA 50

Image from: English Chosun

Nakapili na ang Philippine Air Force ng apat sa mga magagaling nitong piloto na ipapadala sa South Korea para mag-training.

Ang pagsasanay na gagawin ng apat na piloto mula sa PAF ay bahagi ng pagbili ng bansa sa 12 FA-50 jet mula sa SoKor.

Nagkakahalaga ang naturang proyekto ng P18.9 bilyon.

Ayon kay PAF Spokesman Colonel Miguel Okol, aalis para magsanay ang apat na napiling piloto sa huling bahagi ng taon. Layon umano nito na maisalin ng apat na piloto ang kanilang mga nakuhang kaalaman sa iba pang piloto ng PAF.

Hindi muna pinangalan ni Okol ang apat na napili dahil sa usaping panseguridad.

Sa kabila nito, sinabi ni Okol na naging mahigpit ang proseso ng pagpili tungkol sa mga pilotong unang magpapalipad ng mga bibilhing fighter jet ng bansa.

Ilan umano sa mga isinaalang-alang sa pagpili ay ang flying hours na nakuha ng mga piloto at tagal ng mga ito sa serbisyo. May ranggong kapitan hanggang major ang apat na napili.

Ayon pa kay Okol, ang mga piloto nilang mayroon ng 200-300 flying hours ay sasanayin na sa pagpapalipad ng FA50 gamit ang flight simulator.

FA-50_zpse935dc8e

Image from: Britmodeller.com

 

Una ng dumating sa bansa ang tatlo sa limang  AW109 AgustaWestland chopper para sa Philippine Navy. Ngayong taon din inaasahang maide-deliver ng kaparehong kumpanya sa PAF ang walong AW109 attack helicopter nito.

Ang pagbili ng bansa ng 12 FA-50 mula sa South Korea ay bahagi ng AFP Modernization Plan. Ang pagbili ng mga makabagong kagamitan ng Armed Forces of the Philippines ay ginagawa upang lalo pang mabantayan ang mga teritoryo ng bansa sa gitna ng umiigting na usapin ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.-DCR

Advertisements