171 kolehiyo at unibersidad magtataas ng matrikula – CHED

Nakatakdang magtaas ng matrikula ang may 171 pribadong unibersidad at kolehiyo sa buong bansa ngayong darating na pasukan.

Batay sa datos na inilabas ng Commission on Higher Education (CHED), 361 na mga kolehiyo at unibersidad ang nagpasa sa kanila ng aplikasyon para sa pagtataas ng matrikula.

Dahil dito ayon sa CHED, may posibilidad na madagdagan pa ang 171 na bilang ng mga paaralang magtataas ng matrikula sakaling matapos na nilang maaprubahan ang mga natitira pang aplikasyon.

Ayon kay CHED Chairman Patricia Licuanan, aabot sa mahigit na siyam na porsyento o katumbas ng P36.83 ang maaring itaas sa matrikula habang aabot naman  sa mahigit 14 porsyento o P227.01 ang itataas ng iba pang bayarin sa paaralan.

Inaasahan namang ilalabas ng CHED ang pinal na listahan ng mga paaralang magsisipagtaas ng bayarin bago matapos ang linggong ito.

Dito sa Metro Manila, aabot sa 74 na mga pribadong kolehiyo ang humiling sa komisyon na makapagtaas sila ng singilin.  Aabot naman sa 46 na mga paaralan ang balak magtaas sa CALABARZON, siyam mula sa Cagayan Valley at 12 mula sa SOCCSKSARGEN.

Ayon kay Licuanan, hindi basta mapipigilan ang mga ganitong pagtaas ng matrikula dahil dito nakaasa ang operasyon ng mga pribadong kolehiyo at pamantasan. Aniya, hindi tulad ng mga State Colleges and Universities, ang mga pribadong paaralan ay walang nakukuhang subsidiya mula sa gobyerno.

Sa kabila nito, wala naman umanong mga kolehiyo at unibersidad sa Eastern Visayas na sinalanta ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon ang nagpahayag ng kagustuhang magtaas ng tuition.

Bago ito, una ng binatikos ng Kabataan Party-list ang CHED dahil sa kabiguan umano nitong aksyunan ang reklamo ng mga estudyante hinggil sa patuloy na pagtaas ng matrikula.

“For years, student groups including the National Union of Students of the Philippines (NUSP) and student councils of various colleges have continually filed complaints against bogus tuition hike consultations and other violations related to tuition increases. Yet, year in and year out, CHED failed to address these complaints, and instead acted as a mere stamp pad for the approval of tuition increases,”
pahayag ni Kabataan Rep. Terry Ridon.

Bago nito, una ng nag-anunsyo ng pagtataas sa matrikula ang Department of Education (DepEd) noong nakaraang linggo.

Sa tala ng DepEd, aabot sa 1,200 na mga pribadong paaralan ang pinayagan nilang magtaas ng singilin ngayong pasukan kabilang na ang pribadong eskwelahan sa Eastern Visayas kung saan tumama ang bagyong Yolanda.-DCR

Advertisements