Thai martial law puntirya ang media: Pinoy journos nagpahayag ng suporta sa Thai media

seapa_logofinal

Image from: SEAPA

 

Nagpahayag ng pagkabahala at pangamba ang Southeast Asian Press Alliance (SEAPA) hinggil sa deklarasyon ng martial law sa Thailand.

Ito ay dahil direkta ng naapektuhan ang hanay ng media  sa naturang bansa matapos isailalim ng Royal Thai Army ang buong Thailand sa batas militar.

Ayon sa pahayag ng SEAPA, lima mula sa 12 kautusan sa ilalim ng martial law ay direktang nakakaapekto sa kalayaan sa pagpapahayag.

Ilan sa mga kautusan ay ang pagbabawal sa print at broadcast media na maglathala o isahimpapawid ang mga balita, panayam o impormasyon mula sa mga dating opisyal ng gobyerno, academe, civil society o iba pang grupo o tao na tutol sa mga hakbangin ng Peace and Order Maintaining Command (POMC).

Kasama rin sa kautusan mula sa POMC ang kapangyarihan nito na i-block ang mga internet service provider kung hindi papayag ang mga ito sa kahilingan ng POMC na itigil ang pagbibigay nito ng serbisyo sa mga tao o grupong tutol sa martial law.

Napag-alaman din na kasama sa kautusan ng POMC ang pagkontrol sa ilang pahayagan at istasyon ng midya para ma-monitor ang mga ilalabas nitong impormasyon sa publiko.

thai 7

Screenshot from local Thai TV

Ayon pa sa SEAPA, sa kabuuan ay hindi umano bababa sa  14 na cable at satellite television channel ang pinahinto ng POMC sa operasyon bukod pa sa hindi mabilang na istasyon ng mga radyo ang pinatigil din sa pagbo-broadcast.

Kabilang sa mga istasyon ng telebisyon na pinahinto sa pag-ere ayon sa kautusan ng POMC ay ang  Hot TV, Voice TV, Rescue TV station, NSPRT TV station, MV 5, DNN, UDD, Asia Update, P&P, 4 Channels, Blue Sky, FMTV, T News, at ASTV.

Dahil dito, nananawagan ang SEAPA sa Royal Thai Army na igalang nito ang karapatang sibil at ang kalayaan sa pamamahayag.

Kasunod nito, nanawagan rin ang SEAPA sa POMC na agarang nitong ipag-utos ang pag-alis ng mga tropa ng gobyerno sa mga opisina ng midya. Hiniling din ng grupo na bawiin na ng umiiral na gobyerno sa Thailand ang suspension sa mga istasyon ng radyo at telebisyon para makabalik na sa kanilang normal na operasyon ang mga ito.

“We urge the martial law authorities that Army units deployed in media outlets be withdrawn and orders for the suspension of operations of media establishments be revoked immediately to allow these to resume normal operations.” “The POMC must also keep their hands off social media as citizens use it as a direct channel of opinion and expression,” pahayag pa ng SEAPA.

Ang SEAPA ay samahang binubuo ng mga organisayon ng media mula sa Pilipinas, Thailand, Malaysia at Indonesia kung saan ang Philippine Center for Investigative Journalism ay isa sa mga founding member.

Kasabay naman ng banta sa press freedom ay nagpahayag ng pagsuporta sa Thai media ang mga Pilipinong mamamahayag.

Sa statement na inilabas ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), sinabi nitong naalarma at nadidismaya sila sa ginawang aksyon ng Thai military laban sa media matapos ang deklarasyon ng martial law. Ayon pa sa grupo, ang pagpigil sa pagpapahayag ay hindi kailanman magiging daan upang maibalik ang kapayapaan at kaayusan.

“Only free discourse, no matter how strident it may seem, will arm a people with the knowledge essential for them to make informed choices about their future.” “ To our colleagues in Thailand, we stand with you as you face this latest threat to the freedom of the press and of expression,” pahayag pa ng NUJP.DCR

 

Advertisements