MALAPIT SA PAG-ASA ISLAND: Chinese poachers patuloy sa pagkuha sa mga yamang dagat ng Pilipinas

pag-asa

Pag-Asa Island Image from Panoramio.com


Patuloy pa rin ang mga Chinese poachers sa pagkuha ng mga yamang dagat ng Pilipinas sa West Philippines Sea.

Partikular na nagaganap ang pagkuha sa mga naglalakihang taklobo (Giant clams) sa karagatang malapit sa Pag-Asa island, isa sa mga islang sakop ng Kalayaan Islands (Spratly Islands).

Sa ulat at video ng reporter na si Chiara Zambrano sa ANC ay makikitang nagpapatuloy pa rin ang mga Chinese poachers sa pagkuha ng giant clams sa naturang lugar.

Ayon sa mangingisdang si Ronie Cojamco, pangkaraniwang tanawin na sa lugar ang mga Chinese poachers na patuloy sa pagkuha ng mga endangered species na yamang dagat ng bansa.

Ayon pa sa ulat, mula sa maliliit na bangka ay idinadala ng mga Chinese poachers ang mga nakuhang taklobo sa mas malalaki nilang bangkang pangisda.

Sinabi pa ni Cojamco, kung minsan ay may kasama pang Chinese Coast Guard ang mga Chinese poachers na dumadayo malapit sa kanilang lugar.

taklobo

Giant clam locally known as taklobo Image from: Boarding Gate 101

Ikinabahala naman ang Armed Forces of the Philippines ang nasabing pangyayari at sinabing ang naturang aktibidad ay pagpapakita lamang ng kalapastangan sa yamang dagat ng bansa.

Nakunan ang video sa mismong araw na dumating sa bansa si United States President Barack Obama. Sa kanyang pagbisita sa bansa, nangako si Obama ng suporta ng US sa Pilipinas kaugnay ng agawan sa teritoryong kinakaharap nito ngunit sinabing ito ay sa pamamagitan ng mapayapang paraan dapat na maresolba.

Bago ito ay nadakip na noong Mayo 6 ng PNP Maritime Group ang 11 Chinese poachers matapos mangisda sa karagatang sakop ng Pilipinas malapit sa Hasa Hasa Shoal. Nakuha sa bangka ng mga ito ang hindi bababa sa 500 mga buhay at patay na pawikan.

Patuloy naman ang paggiit ng China na sakop ng kanilang bansa ang halos kabuuan ng West Philippine Sea (South China Sea).-DCR

Advertisements