Hari suportado ang military junta: Thai Army chief Prayuth nakakuha na ng royal endorsement

prayuth

Thai Army Chief Gen. Prayuth Chan-ocha (Center) with other Thai army generals after the King endorsed him as head of Thai military council. Image courtesy of Phattanan Songchai Twitter

Pormal ng inendorso ng hari ng Thailand si Royal Thai Army Chief General Prayut Chan-O-Cha bilang pinuno National Council of Peace and Order (NCPO) na siyang responsable ngayon para sa pagpapatakbo sa naturang bansa.

Ginanap ang pag-endorso sa Thai military headquarters sa Ratchadamnern Avenue sa Bangkok.

Ang pag-endorso ng 86-taong gulang na si King Bhumibol Adulyadej ang isa sa inaasahang magpapatatag at magpapalakas sa military junta na inilunsad ng grupo ni Prayuth.

Sa kanyang pagharap sa media kanina, sinabi ng heneral na isa sa agad niyang pagtutuunan ng pansin ay ang pagbabalik ng katahimikan at kaayusan sa kanilang bansa.

Nanumpa rin ito na gagampanan niya ang kanyang tungkulin ng buong katapatan.

Kasunod nito, nanawagan si Prayuth sa mga naglalabang pwersa na sumunod sa mga ipinag-uutos ng militar para mapanatili ang kapayapaan.

Aniya, mapipilitan ang gobyerno na gumamit ng pwersa sakaling magkaroon ulit ng kaliwa’t kanang protesta.

Kilala si Prayuth bilang masugid na tagapagtanggol ng monarkiya ng Thailand.

Ginugol nito ang kalakhan ng kanyang serbisyo sa militar sa 21st Infantry Regiment o mas kilala bilang Queen’s Guard.

Bukod dito ay naging kabahagi din si Prayuth sa kudeta noong 2006 na nagpatalsik naman kay dating Thai Prime Minister Thaksin Shinawatra kapatid ng pinatalsik ding lider ng Thailand na si Yingluck Shinawatra.

123

This image was shown in every television channel in Thailand since the military took over the government. Image courtesy of Emillen Idos

Noong nakaraang Huwebes ay idineklara ng Thai military ang isang kudeta. Bago nito ay isinailalim na rin ng militar ang naturang bansa sa martial law.

Isa sa mga agad naapektuhan ng mga kautusan mula sa NCPO ay ang media kung saan karamihan sa mga istasyon ng radyo at telebisyon ay isinara at pinatigil sa operasyon. -DCR

Advertisements