Malacañang handang harapin ang korte: Petisyong kumukwestyon sa EDCA inihain sa Supreme Court

philippines-us-wpcf_728x413

DND Sec. Voltaire Gazmin and US Ambassador Philip Goldberg during the signing of EDCA Image courtesy of Thai PBS


Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang mga indibidwal na tumututol sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pangunguna ng dalawang dating senador na dati na ring bumoto para mapatalsik sa bansa ang base militar ng Estados Unidos.

Pinangunahan nina dating Sen. Wigberto Tañada at dating Sen. Rene Saguisag ang paghahain sa Suprement Court ng 54 pahinang petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng kasunduang pinirmahan sa pagitan ng US at ng Pilipinas.

Kasama ng dalawang dating senador na nagsampa ng petisyon sa SC sina dating University of the Philippines President Francisco Nemenzo Jr, Dean Pacifico Agabin, Sister Mary John Mananzan, mga abogadong sina Atty. Evalyn Ursua, Atty. Steve Salonga, Atty. Harry Roque, Atty. Edre Olalia, Dr. Carol Pagaduan-Araullo, Dr. Roland Simbulan at dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño.

Ayon sa mga nagsampa ng petisyon, walang mapapala ang bansa at pawang pabor sa interes ng US ang mga nakapaloob sa EDCA. Wala rin umanong pakinabang ang bansa sa nasabing kasunduan sakaling atakihin tayo ng China kaugnay naman ng tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon pa sa grupo, wala ng bisa ang EDCA na nakasalig sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng US at Pilipinas dahil umiiral na ang 1987 Constitution ng bansa kung saan itinatakwil nito ang pakikipagdigma bilang pambansang polisiya.

Iginiit din ng mga petitioner sa korte na ang EDCA ay isang kasunduan kung kaya nararapat lamang na dumaan ito sa Senado para sa ratipikasyon.

“Not only is the EDCA a violation of the Philippine Constitution it also does not provide any substantial, long-term real-benefit, much less distinct advantage or improvement in our position vis-à-vis the United States,” nakasaad pa sa nasabing petisyon.

Ayon naman sa Malacañang, handa ang gobyerno para ipagtanggol ang legalidad ng EDCA.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda nalegal ay naaayon sa Saligang Batas ang kasunduan.

“Certainly there will be voices who are not in agreement with the signing of the EDCA but we have made it clear that the provisions of EDCA maintained the provisions of the 1987 Constitution,” pahayag pa ni Lacierda.

Una ng sinabi dati ni Pangulong Benigno Aquino na kayang lagpasan ng kasunduan ang anumang ‘legal scrutiny’ na maari nitong kaharapin.

Ang EDCA ay pinirmahan ilang oras bago dumating sa bansa si US President Barack Obama noong Abril. Sina Department of National Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador Philip Goldberg ang lumagda sa kasunduan na naglalayong mas mapalakas pa ang ugnayang militar ng dalawang bansa.-DCR

Advertisements