Sasakyang pangisda ng Vietnam pinalubog ng Chinese vessel

12

One of the confrontation scenario between Vietnamese vessel and Chinese Coast Guard Ship on South China Sea. Image from: Tuoi Tre News


Pinalubog umano ng isang barkong pangisda ng China ang isang sasakyang pandagat ng Vietnam kung saan sakay nito ang 10 Vietnamese na mangingisda kahapon sa West Philippine Sea.

Ito ang sinabi ngayon ni Vietnamese Coast Guard Commander Nguyen Quang Dam.

Ayon sa mga ulat, bandang 4:00 ng hapon kahapon naganap ang insidente may 19.5 milya (17 nautical miles) ang layo mula sa oil rig na itinayo ng China sa West Philippine Sea (South China Sea).

Batay sa ulat ng pahayagang Tuoi Tre News, pinalibutan muna ng may 40 sasakyang pangisda ng China ang ilang Vietnamese fishing vessel bago tuluyang sinalpok ng Chinese fishing vessel #11209 ang Vietnamese vessel DNa 9015.

Ang naturang sasakyang pangisda ng Vietnam ay mula sa lungsod ng Da Nang.

Nabatid na nailigtas naman umano ng isa pang sasakyang pangisda ng Vietnam na nangingisda din malapit sa lugar ang 10 Vietnamese mula sa pinalubog na sasakyang pandagat.

Sa pagbisita sa bansa at pagdalo sa World Economic Forum ni Vietnamese Prime Minister Nguyen Tan Dung ay muli nitong binatikos ang China hinggil sa panghihimasok sa kanilang teritoryo.

Bago ito ay ilang insidente na rin ang naganap sa pagitan ng China at Vietnam kung saan nagbombahan na rin ng tubig ang mga barko ng dalawang bansa matapos itayo ng China ang oil rig nito sa pinag-aagawang parte ng West Philippine Sea.

Nananatili pa rin umanong tensyonado sa nasabing lugar ayon sa Vietnamese Coast Guard.

Isa sa mga insidente bago ang pagpapalubog umano sa bangkang pangisda ng Vietnam ay ang pagbangga naman noong Biyernes ng Chinese tug boat #9 sa Vietnamese fisheries surveillance ship HP 926 noong nakaraang Biyernes (May 23) ng umaga.-DCR

Advertisements