Isa pang weather forecaster aalis na rin ng PAGASA

pagasa

Image courtesy of veooz.com

 

Muling mababawasan ng magagaling at ekspertong weather forecaster ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon kay Ramon Agustin, pangulo ng Philippine Weathermen Employees Association (PWEA), nakatakdang umalis sa bansa sa Hunyo si PAGASA weather observer 3 Christopher Galang matapos nitong tanggapin ang alok ng Qatar Bureau of Meteorology.

Si Galang na nagtatrabaho sa PAGASA sa loob ng 20 taon ay tutungo sa Qatar para magtrabaho bilang isang airport weather observer. Sa kasalukuyan si Galang ay nakatalaga sa Doppler radar ng PAGASA sa Subic.

Ayon kay Agustin, nasa lima hanggang pitong beses ng sinisweldo ng mga weather forecaster dito sa bansa ang kanilang tatanggapin pagdating sa Qatar.

Bago ito ay una ng nag-resigned ang mga weather forecaster ng PAGASA na sina Bernie De Leon at Ralph Ricahuerta at ommunications engineer Ralph Suquila upang magtrabaho din sa kaparehong weather agency sa Qatar.

Ayon kay Agustin, ang unang tatlong kawani ng PAGASA na tumanggap ng mas magandang trabaho sa Qatar ay nagsabi ng magre-resign sa trabaho noon pang nakaraang taon subalit napakiusapan lamang nila na huwag munang umalis matapos pangakuan na maibibigay ang kanilang benepisyo.

Sa kabila nito ay hindi ito natupad kaya nagpasya na ang tatlo na lisanin ang ahensya.

Sinabi pa ni Agustin na longevity pay at subsistence allowance ay tatagal na lamang hanggang Hunyo ngayong taon sapagkat hindi pa naire-release ng Department of Budget and Management ang pondo para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre.

Noong nakaraang taon ay mismong ang hepe ng PAGASA na si Nathaniel Servando ay nagbitiw din sa pwesto para tanggapin ang isang teaching position sa Gitnang Silangan. Noong 2010 naman ang weather forecaster na si Nathaniel Cruz ay nagbitiw sa pwesto para tahakin ang mas magandang oportunidad sa Australia at nagbalik sa bansa bilang resident meteorologist ng GMA-7.

Umaasa si Agustin na ang maayos na benepisyo mula sa gobyerno ang pipigil para sa iba pang kawani ng PAGASA na nagnanais ng umalis sa serbisyo sa pamahalaan para sa mas magandang oportunidad sa ibang bansa.-DCR

Advertisements