OPLAN BALIK ESKWELA 2014: 18,000 pulis ikinalat ng PNP

 

Nakakalat na ang hindi bababa sa 18,000 mga tauhan ng Philippine National Police sa buong bansa ngayong araw para sa pagbubukas ng klase.

Ikinasa ng PNP ang kanilang Oplan Balik-Eskwela 2014 upang maprotektahan ang seguridad at kaligtasan ng mga magsisipasok na mga mag-aaral sa Metro Manila at sa buong bansa.

Bukod sa mga ipinakalat na pulis ay nagtalaga rin ang PNP ng 7,441 Police Assistance Desks sa buong bansa katuwang ang mga lokal na pamahalaan, parent teachers association (PTA) at iba pang non-government organization (NGO)  na siyang pwedeng lapitan ng mga mag-aaral at magulang sakaling magkaroon sila ng problema ngayong unang araw ng pasukan.

Dito sa Metro Manila, aabot sa 2,500 pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para bantayan ang mga estudyante kabilang na ang University Belt area.

Magsasagawa naman ng pagpapatrulya ang mga pulis upang maprotektahan ang mga estuyante laban sa mga bully na ang karaniwang target ay mga mag-aaral. Bukod dito, target din ng mga pulis ang mga naglipanang holdaper at snatcher.

Kasabay nito nagpaalala naman ang PNP sa pangunguna ni Public Information Office Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac sa mga mag-aaral at magulang na huwag ng magsuot ng mga mamahaling alahas at palamuti kapag papasok sa eskwela.

Bukod dito pinayuhan rin ni Sindac ang mga estuyante na iwasan magdala ng malaking halaga ng pera sa pagpasok sa paaralan.

Binigyan ng direktiba ng Malacañang ang PNP na siguruhing magiging ligtas ang mga mag-aaral na magbabalik eskwela ngayong taon. Sa tala ng Department of Education, hindi bababa sa 20 milyong mga mag-aaral ang papasok ngayong Hunyo para sa pagsisimula ng school year 2014-2015.-DCR

Advertisements