Ruta para sa posibleng paglilikas ng mga OFW sa Libya tukoy na ng DFA


Natukoy na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang apat na posibleng mga ruta na gagamitin nito para sa repatriation ng mga Overseas Filipino Workers sa Libya sakaling lumala na ng tuluyan ang sitwasyon doon.

Ayon kay DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose, ilan sa mg natukoy na pwedeng daanan sa paglilikas ng mga maiipit na OFW sa Libya ay ang mga daan mula sa Egypt at Tunisia kung by land repatriation ang gagawin at mula naman sa Malta at Greece kung mula sa dagat ang gagawing paglilikas.

Ani Jose, gagamitin ang nasabing mga ruta sakaling isara na ang mga paliparan sa Benghazi at Tripoli.

Kaugnay nito patuloy naman sa panawagan ang DFA sa mga Pilipinong nasa Libya na tanggapin na ang iniaalok na ‘voluntary repatriation’  ng gobyerno.

Aabot sa 13,000 mga Pilipino ang nananatili sanaturang bansa.

Sa ngayon ay umaabot pa lamang sa 51 Pilipino ang nagpapalista sa embahada ng bansa doon para sa voluntary repatriation. Tiniyak naman ng DFA na sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gagastusin sa repatriation.

Matatandaan na itinaas na alert level 3 ang sitwasyon sa Libya kung kaya nagpapatupad na ang bansa ng voluntary repatriation doon.

Noong nakaraang linggo ay bumisita ng personal sa naturang bansa si DFA Sec. Albert Del Rosario para siguruhin at pangunahan ang paghahanda ng mga tauhan ng gobyerno sa nasabing lugar sakaling mas lumala pa ang sitwasyon.-DCR

 

PAALALA: Sa mga gustong i-avail ang ‘voluntary repatriation’ ng pamahalaan, maari po kayong makipag-ugnayan sa embahada ng bansa sa Libya. Matatagpuan ito sa  KM 7 Gargaresh Road, Abu Nawas, o maaring ring tumawag sa hotline number (+218) 918244208, telephone number (+218-21) 483-3966, at e-mail addresses tripoli.pe@gmail.comtripoli.pe@dfa.gov.ph.

 

Advertisements