PH-Vietnam ‘friendly game’ binatikos ng China: Malacañang pumalag

Vietnam Philippines and China

Image retrieved from: www.dxcoffee.com

Binatikos ng China ang Pilipinas at Vietnam matapos na magdaos ng isang ‘friendly game’ ang dalawang bansa sa isa sa mga islang bahagi ng mga pinag-aagawang teritoryo sa Spratly Islands sa West Philippine Sea.

Tinawag ni Chinese Foreign Ministry Spokesman Hua Chunying na ‘clumsy farce’  ang ginawang goodwill activity ng dalawang bansa sa Pugad Island (Southwest Cay Island) na kontrolado ng Vietnam.

“Don’t you think this little trick by Vietnam and the Philippines is at most a clumsy farce? China has indisputable sovereignty over the Nansha Islands and their adjacent waters,” pahayag ni Chunying.

Kasunod nito, sinabihan din ng nasabing opisyal ang Vietnam at Pilipinas na itigil na ang mga mapanghamong aktibidad nito sa naturang mga lugar. “We require the Philippines and Vietnam to stop all the provocative actions, strictly abide by the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea and refrain from any action that may complicate and aggravate the disputes,” dagdag pa ni Chunying.

Agad namang pinalagan ng Malacañang ang naging komento ng China sa ginawang aktibidad sa pagitan ng mga miyembro ng Philippine Navy at Vietnam Peoples Navy.

Sa kanyang press briefing sa Palasyo, ipinaalala ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa China na katatapos lamang gunitain kahapon ang  Filipino-Chinese Friendship Day. Kasabay nito, hinimok ni Lacierda ang China na makiisa para sa mapayapang paglutas sa isyu.

 “We wish to gladly inform China that we just celebrated yesterday the 13th Filipino-Chinese Friendship Day and perhaps, instead of condemning the friendly games between the Philippines and Vietnam, China should focus on engaging the Philippines in friendly initiatives,” pahayag ni Lacierda.

Noong Linggo ay dumayo sa Pugad Island ang may 40 miyembro ng Hukbong Dagat ng Pilipinas para dumalo sa isang friendly game kasama ang Vietnam. Layon ng aktibidad na panatilihin ang kapayapaan at pagkakaisa ng mga bansang umaangkin sa mga islang nasa West Philippine Sea sa kabila ng umiigting na tension doon.-DCR

 

 

 

Advertisements