116th Independence Day: Pagdiriwang pinangunahan ni PNoy sa Naga City

 

PNoy 1

President Benigno Aquino III during his speech at Plaza Quince Martires, Naga City. Image from: PNoy Facebook Page

 

Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang ng bansa ng ika-116 Araw ng Kalayaan.

Ngayong taon, ginunita ang Independence Day sa Naga City, Camarines Sur.

Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Pagsunod sa Yapak ng mga Dakilang Pilipino, Tungo sa Malawakan at Permanenteng Pagbabago” (Following the Footsteps of Great Filipinos, Towards Widespread and Lasting Change).

Kasama sina Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at Deparment of National Defense Sec. Voltaire Gazmin, pinangunahan ng Pangulo ang pagdiriwang sa Plaza Quince Martires sa nasabing lungsod.

PNoy 2

PNoy during the wreath laying ceremony at the Plaza Quince Martires, Naga City. Image from: PNoy Facebook Page

Sa kanyang talumpati binigyang diin ni PNoy ang ilang mga proyektong kanyang ginawa para sa Kabikulan.

“Nariyan po ang ipinapatayo nating Bicol International Airport sa Daraga na magpapasigla sa sektor ng turismo, at magpapaunlad sa ating pakikipag-ugnayan sa loob at labas ng bansa. Ang panukalang one-stop Migrants Resource Center naman po dito sa Naga ay bahagi ng ating agenda upang iangat ang kakayahan ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng daigdig; habang ang extension ng PNR charter na ipinasa ng Kongreso ay manganganak ng oportunidad, hindi lamang sa mga lalawigang dadaanan ng riles, kundi sa bawat Pilipino na maaaring makinabang sa mga pagkakataong bubukas dahil sa mas masiglang ekonomiya,” pahayag ng Pangulo.

Bukod sa mga proyekto, nanindigan rin si PNoy tungkol sa kahalagahan ng pagwawaksi sa kultura ng korupsyon. Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa gitna ng kontrobersya tungkol sa pork barrel scam na yumanig sa iba’t ibang sangay ng gobyerno. “Ang pagwawaksi sa korupsyon at pang-aabuso sa sistema saan man sa Pilipinas sa lokal mano sa mga pambansang antas ay magbubunga ng mas matibay na mga institusyong makapaglilingkod sa bawat Pilipino,” ani PNoy.

Matapos ang pagdiriwang sa Naga ay agad lumipad pabalik ng Maynila si PNoy para daluhan ang tradisyunal na Vin D’Honneur.

Sa harap ng mga miyembro ng diplomatic corps. ay binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat bansa.

“This can be achieved by rendering genuine and meaningful assistance, rather than by imposing our own views and policies on others this can be achieved through sincere cooperation. Indeed: the world is united by more than just the interconnectivity afforded by technology; we are united by a commonality of purpose: how to overcome inequality, injustice, and conflict, and thus foster lasting progress, peace, and stability in an environment that truly upholds the rule of law.”

Bagama’t hindi tahasang binanggit ang bansang China, sinabi ni PNoy na dapat irespeto ng mga bansa ang rule of law upang matiyak ang kapayapaan at patuloy na pag-unlad.-DCR

 

 

 

 

 

Advertisements