Revilla, Estrada at Enrile sinagot: “Sinunod namin ang tamang proseso” -PNoy

PNoy

Image courtesy of PNoy Facebook Page

 

Sinagot ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang mga kritiko kaugnay ng ginawang pagsasampa ng kaso ng gobyerno laban sa mga nasasangkot sa pork barrel scam.

Sa kanyang talumpati para sa pagdiriwang ng ika-116 Araw ng Kalayaan sa Plaza Quince Martires sa Naga City, sinabi ng Pangulo na hindi namumulitika ang kanyang administrasyon kaugnay sa pagsasampa ng kaso sa mga taga oposisyong sangkot sa naturang kontrobersya.

“May ilang prominenteng personalidad nang sinampahan ng kaso ng Ombudsman ukol sa isyu ng pagkakamkam ng pork barrel. Ang kanilang sinasabi: Pinupulitika lamang raw sila. Ipaalala lang po natin, panahon ng eleksiyon noong 2013 nang unang lumutang ang balita tungkol sa illegal detention kay Benhur Luy, Marso po, pati na ang tungkol sa mga pekeng NGO at pambubulsa sa pondo ng bayan.”

“Sinunod natin ang tamang proseso: Nagsagawa ng imbestigasyon, nangalap at nangangalap pa ng mga ebidensiya, at ngayon ay nakasampa ng kaso. Puwede naman itong ginawa noon nang mabilisan at walang matibay na basehan upang masira ang pangalan ng mga kandidatong dawit sa kontrobersiya, pero, at kayo na po ang saksi, idinaan natin sa tamang sistema ang pagpapalabas ng katotohanan. At pagkatapos, tayo pa ngayon ang sinasabihan na namumulitika? Kayo na hong bahalang magpasya kung sino ang papanigan niyo sa usaping ito,” pahayag ng Pangulo.

Kahapon sa naging talumpati ng isa sa mga inaakusahan na si Sen. Jinggoy Estrada sa Senado, inakusahan nito ang administrasyong Aquino ng ‘selective prosecution’ sa isyu ng P10B pork barrel scam.

Ayon kay Estrada, tila sila lamang tatlo nina Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Bong Revilla ang idinidiin ng gobyerno dahil sa hindi nila pagiging kasapi ng administrasyon.

Screenshot

Senators Jinggoy Estrada, Ramon Revilla and Juan Ponce Enrile Screenshot courtesy of Rappler.com

Sa nauna namang privilege speech ni Revilla ay nanawagan ito sa Pangulo na itigil na ang pamumulitika at sa halip ay makipagtulungan na para sa pag-usad ng bansa. “Lead this country not with hatred but with love. Lead the country towards unity and not partisanship. Push our nation’s interest and not political agenda. Bibihira ang nabibigyan ng pagkakataon na maging pangulo. At mapalad ka Pangulong Aquino,” pahayag ng senador.

Sa kabila nito, nanindigan ang Pangulo at sinabing gagawin niya ang lahat para makamtan ng buong bayan ang hustisya.

“Ang karanasan nga po ng aming pamilya ang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pakikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay upang mawakasan ang siklo ng kawalang katarungan. Ngayon nga pong nasa posisyon na ako para maisabuhay ang mga aral na ito, gagawin ko, at ginagawa ko ang lahat at ginagawa ko ang aking makakaya upang mabigyan ng hustisya hindi lamang ang iilan, kundi ang buong sambayanan,” pahayag pa ni PNoy.

Sa kabuuan ng kanyang mensahe ngayong Araw ng Kalayaan, binigyang halaga ng Pangulo ang pagwawaksi sa kultura ng korupsyon at pag-abuso sa sistema alang-alang na rin sa ginawang sakripisyo ng ating mga ninuno at mga bayani makamtan lamang ang kasarinlan ng bansa.-DCR

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements