Dagdag pasahe sa mga jeepney epektibo na ngayong araw

 

jeepney

Image from: www.tourism.gov.ph

Ipinatupad na epektibo ngayong araw ang dagdag pasahe sa mga pampasaherong jeepney.

Mula sa dating P8.00 minimum fare ay bahagya itong itinaas sa P8.50 sa unang apat na kilometro ng byahe.

Dagdag P0.10 naman ang ipapatong sa bawat susunod na kilometro. Dahil dito ang dating P1.40 na dagdag sa bawat kilometro matapos ang unang apat na kilometro ng byahe ay magiging P1.50 na ngayon.

Ang dagdag pasahe ay base na rin sa kautusang ipinalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Epektibo ang fare increase sa Metro Manila (National Capital Region), Region 3 at Region 4.

Mananatili naman ang 20% fare discount para sa mga senior citizen, estudyante at mga person with disabilities.

Sa pahayag ng LTFRB, dapat na may nakapaskil na taripa (fare matrix) ang mga tsuper bago nila ipatupad ang dagdag singil sa pasahe.

Sa panayam naman sa dzBB kaninang umaga, sinabi LTFRB Chairman Winston Ginez na may ilan pang mga tsuper ang hindi nagtataas ng kanilang pasahe dahil hindi pa sila nakakakuha ng bagong fare matrix.

Ayon pa kay Ginez, may ilang tsuper din ng jeep ang nagpasyang sa Lunes na lamang ipatupad ang dagdag singil sa pasahe na ikinatuwa naman ng mga pasahero.

Nanawagan naman ang LTFRB sa mga pasahero na itawag lamang sa kanilang hotline na 459-2129 at 09214487777 sakaling sila ay mayroong mga hinaing at reklamo.-DCR

Advertisements