China nagtayo na ng eskwelahan sa South China Sea

yongxing-250x157

Image from: thechinatimes.com

 

Itinuloy na ng China ang pagtatayo nito ng paaralan sa isa sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea. 

 

Noong Sabado ay sinimulan ng gobyerno ng China na magtayo ng eskwelahan sa Woody Island (Yongxing Island).

 

Ayon sa China, aabot ng 18 buwan bago nila matapos ang itinatayong eskwelahan doon.

 

Layon ng pagtatayo ng paaralan na doon papag-aralin ang anak ng mga sundalong nakadestino sa Paracel Island at ng iba pang kawani at mamamayan ng China sa naturang lugar.

 

Bukod sa China, inaangkin din ng Vietnam at Taiwan ang naturang isla.

 

Sa Woody Island din matatagpuan ang seat of government ng Sansha City na ginawang lungsod ng China noon lamang 2012.

 

Aabot sa 1,443 ang kabuuang populasyon ngayon ng syudad.

Kasabay nito, nanawagan naman si Department of Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario para sa isang ‘construction moratorium’ sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

 

Sa pahayag ng kalihim, sinabi nitong ipapanukala niya sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na makiisa sa panawagan para sa isang construction moratorium sa mga pinag-aagawang isla sa katimugang bahagi ng bansa.

 

“I think we would use the international community to step up and to say that we need to manage the tensions in the South China Sea before it gets out of hand,” pahayag ng kalihim sa panayam ng Associated Press.

 

Bago ang napabalitang pagtatayo ng paaralan ay nagsampa na rin ng diplomatic protest ang Pilipinas dahil sa bagong reclamation project na natuklasan ng bansa. Napag-alaman ng gobyerno na may ginagawang konstruksyon ang China sa McKennan (Hughes) Reef sa Spratly Islands.

 

Ang naturang insidente ay bukod pa sa nadiskubreng aktibidad sa Mabini Reef (Johnson South Reef) at sa ibinulgar ni Pangulong Benigno Aquino III na reclamation project ng China sa Gavin (Gaven) Reef at Calderon (Cuarteron) Reef. -DCR

 

Advertisements